Gilas-pa-US ngayon para sa 4-day camp
MANILA, Philippines - Magtutungo ngayon ang Gilas Pilipinas sa Miami, Florida para sa isang four-day training camp bilang bahagi ng kanilang preparasyon sa 2014 FIBA World Cup sa Spain sa Setyembre.
Sa Miami ay makakasama nina LA Tenorio, Jason Castro, Jimmy Alapag, Gabe Norwood, Jeff Chan, Gary David, Jared Dillinger, Ranidel de Ocampo, Marc Pingris, Jay Washington, Japeth Aguilar, June Mar Fajardo, Beau Belga at Marcus Douthit ang bagong naturalized player na si Andray Blatche.
Makakatuwang ni head coach Chot Reyes sa training camp sa Miami, Florida si New Zealand at Jordan mentor Tab Baldwin.
Si Baldwin ang umalalay sa training at actual participation ng Nationals noong 2013 FIBA-Asia Men’s Championship na idinaos sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Matapos ang training camp ay didiretso naman ang Nationals sa Italy at France para sa walo hanggang siyam na tune-up games.
Nasa coaching staff ni Reyes sina assistant coaches Norman Black, Jong Uichico, Ryan Gregorio at Nash Racela.
Sa FIBA World Cup ay makakalaban ng Gilas Pilipinas sa Group B ang Argentina, Greece, Croatia, Puerto Rico at Senegal.
Ang dalawang panalo ng Nationals sa kanilang grupo ang magpapasok sa kanila sa knockout stage.
Nagmula ang Gilas Pilipinas sa pagsikwat sa bronze medal sa nakaraang FIBA-Asia Cup sa Wuhan, China na pinaghariang muli ng Iran kasunod ang Chinese-Taipei.
- Latest