Petron 5th place sa PSL
Laro sa Sabado
(Cuneta Astrodome,
Pasay City)
1:30 p.m. AirAsia vs PLDT (Women’s 3rd place)
3:30 p.m. PLDT vs Cignal (Men’s final)
5:30 p.m. Generika-Army vs RC Cola-Air Force (Women’s final)
MANILA, Philippines - Naibalik ni Dindin Santiago ang mabangis na porma para sa 25-22, 25-19, 25-23, pananaig ng Petron Lady Blaze Spikers sa Cagayan Valley Lady Rising Suns sa 2014 PLDT Home-Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference volleyball tournament kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Tumapos ang 6’2 na si Santiago taglay ang 21 attacks at anim na blocks tungo sa 30 puntos para igiya ang Lady Blaze Spikers sa ikalimang puwesto sa ligang inorganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL bukod sa suporta ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.
“Napaaga ang peaking namin kaya hindi namin napanatili ang magandang panimula. Itatama namin ang mga mali na ginawa namin sa off-season bilang paghahanda sa susunod na conference,” wika ni Petron coach George Pascua.
Nakontento ang Lady Rising Suns sa ikaanim na puwesto at sila ay ibinandera nina Janine Marciano at Aiza Maizo-Pontillas sa kanilang 17 at 14 puntos.
Ang nangulelat sa pitong naglaban ay ang Cignal HD Lady Spikers na agad na nasibak matapos ang single round elimination. (ATan)
- Latest