NBA Stars nasa Manila na sasagupain ang Gilas Pilipinas ngayon
MANILA, Philippines - Halos isang buwan bago sumabak sa 2014 FIBA World Cup sa Spain ay lalabanan muna ng Gilas Pilipinas ang isang star-studded NBA team sa dream matchups na tinawag na ‘The Last HOME Stand’ ngayong gabi at bukas sa Smart Araneta Coliseum.
Haharapin ng Nationals ang NBA Selection, binabanderahan nina 2014 NBA Finals MVP Kawhi Leonard, Los Angeles Clipper Blake Griffin at Houston Rocket James Harden, ngayong alas-7:30 ng gabi.
Muli silang maghaharap bukas ng alas-6:30 ng gabi sa Big Dome.
Kabilang din sa PLDT Home Fibr All-Stars sina Tyson Chandler, Ed Davis, Paul George, Brandon Jennings, Terrence Ross, Damian Lillard, DeMar DeRozan, Nick Johnson at Kyle Lowry.
Ang event ay inilalaan ng nag-oorganisang PLDT Home para sa charity sa ilalim ng MVP Sports Foundation’s poverty-alleviation program.
Ang tiket sa Patron A section ay nagkakahalaga ng P23,300 kasunod ang P20,970 sa Patron B, P17,475 sa Patron C, P9,500 sa Lower Box Premium, P8,000 sa Lower Box Regular, P4,000 sa Upper Box Premium, P2,500 sa Upper Box Regular at P750 sa General Admission.
‘Di hamak na mas mahal ngayon ang presyo sa two-day exhibition games ng Gilas Pilipinas kontra sa NBA All-Stars kumpara noong 2011.
Noong 2011 NBA All-Star Weekend na nagtampok kina Kobe Bryant, Kevin Durant at Derrick Rose sa gitna ng nangyaring NBA lockout ang mga tiket ay nasa P5,500 para sa Patron, P3,800 sa Lower Box, P1,500 sa Upper A, 800 sa Upper B at P350 sa General Admission.
Sinabi ni head coach John Lucas II na bibigyan nila ng magandang laban ang Gilas Pilipinas para makatulong sa paghahanda nito sa FIBA World Cup.
“The challenge is not just about basketball but to really be of help,” wika ni Lucas, isang dating NBA star at ngayon ay isa sa mga nangungunang elite basketball skills development specialist.
Bago ang mga laro ay magdaraos muna si Lucas ng short clinic sessions para sa dalawang koponan sa harap ng mga fans.
- Latest