Ika-2 panalo aasintahin ng Warriors at Bulldogs
Laro Ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
2 p.m. NU vs UP
4 p.m. Adamson vs UE
MANILA, Philippines - Pupuntiryahin ng Red Warriors at Bulldogs ang kanilang ikalawang sunod na ratsada, habang mag-uunahan namang makabangon mula sa kabiguan ang Falcons at ang Fighting Maroons.
Lalabanan ng University of the East ang Adamson University ngayong alas-4 ng hapon matapos ang bakbakan ng National University at University of the Philippines sa alas-2 sa pagbabalik ng 77th UAAP mens’ basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Bukod sa UE at NU, ang iba pang may 1-0 record ay ang Far Eastern University at Ateneo De Manila University.
Umiskor ang Red Warriors ni head coach Derrick Pumaren ng 87-59 panalo laban sa Fighting Maroons sa pagbubukas ng torneo noong Hulyo 12 sa Big Dome.
“Winning against UP hasn’t proved anything for us. We’re still in the ‘lower’ half’ of the league,” sabi ni Pumaren sa UE na nakagawa ng 28 turnovers kumpara sa 17 ng UP.
Nanggaling naman ang Falcons ni mentor Kenneth Duremdes sa 57-79 pagyukod sa Ateneo Blue Eagles noong Hulyo 13.
Sa unang laro, pipilitin ng Bulldogs na maduplika ang kanilang 59-40 paggiba sa University of Sto. Tomas Tigers sa pagharap sa Fighting Maroons.
“We’re confident about our game coming to the season and I think the boys are starting to jell,” wika ni mentor Eric Altamirano sa NU na wala nang Bobby Ray Parks, Jr. na sasandigan ngayong season.
- Latest