Mixers sa Finals
Laro Ngayon
(Smart Araneta
Coliseum)
5 p.m. Rain or Shine
vs Alaska
MANILA, Philippines - Bumangon ang nagdedepensang San Mig Coffee mula sa dalawang sunod na kabiguan para talunin ang Talk ‘N Text, 93-87, sa Game Five ng kanilang semifinals series at angkinin ang unang finals berth sa 2014 PBA Governors’ Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Winakasan ng Mixers ang kanilang best-of-five semifinals showdown ng Tropang Texters sa 3-2 patungo sa kanilang ikaapat na sunod na finals appearance at pang-27 sa kabuuan.
Humugot si Mark Barroca ng 15 sa kanyang 17 points sa fourth quarter para banderahan ang ratsada ng Mixers na nagposte ng 15-point lead, 81-66, sa 3:23 minuto.
Huling nakadikit ang Tropang Texters sa 87-91 agwat buhat sa isang tree-point play ni import Paul Harris sa natitirang 14.9 segundo.
Ang agaw ni Barroca kay Ranidel De Ocampo ang nagresulta sa kanyang fastbreak layup sa huling 10.2 segundo para selyuhan ang panalo ng San Mig Coffee.
Hangad ng koponan ni coach Tim Cone ang PBA Grand Slam ngayong taon matapos pagharian ang Philippine Cup at Commissioner’s Cup.
Samantala, mag-uunahan ang Alaska Aces at Rain or Shine sa ikalawa at huling finals slot sa kanilang do-or-die match ngayong alas-5 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ang mananalo sa pagitan ng Rain or Shine at Alaska ang siyang sasagupain ng San Mig sa best-of-five championship series.
San Mig Coffee 93 -- Yap 25, Blakely 21, Barroca 17, Devance 11, Pingris 10, Simon 7, Sanggalang 2, Taha 0, Melton 0, Reavis 0, Hoilstein 0, Mallari 0, Gaco 0, Maliksi 0, Matias 0.
Talk N Text 87 -- Harris 40, De Ocampo 13, Castro 11, Seigle 8, Espiritu 7, Fonacier 4, Williams 2, Rob Reyes 2, Alapag 0, Carey 0, Baclao 0, Canaleta 0, Ryan Reyes 0, Aban 0.
Quarters: 21-20; 37-38; 62-55; 93-87.
- Latest