^

PSN Opinyon

Sa Piling ng Kalapati (31)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

BINANTAYAN ni Ruth si Mommy Donna. Pagnagising ito ay pakakainin niya. Nagluto siya ng sopas. Paborito ni Mommy Donna ang sopas.

Para ma-monitor niya kung gising na ito, sa tabi nito siya nag-aral ng lesson. Kailangang malaman niya kung gising na ito at pakakainin niya. Masyado siyang nag-aalala sa mga latay nito sa likod na sa pag-aanalisa niya ay mula sa latigo. Mahahaba ang latay na para bang kagagawan ng isang malupit na tao. Mga apat na latay ang nakita niya na nangingitim na ngayon.

Sino kaya ang wa­langhiyang tao na may kagagawan niyon?

Dahil sa mga latay na iyon ng ina-ina-han ay apektado ang pagrerebyu ni Ruth. Ayaw pumasok ang sinasaulo niyang topic sa subject nila. Para bang hindi siya makapag-concentrate sa pag­rerebyu hangga’t hindi nalalaman ang tunay na dahilan at nagkaroon ng latay sa likod ang ina-inahan. Kanina, nang unang makita ang mga latay, siya ang nakadama ng hapdi at sakit. Hindi dapat magkaroon ng ganoong latay ang ina-inahan. Napa-kabait ni Mommy Donna. Nararamdaman niya kung gaano ang sakit na nararamdaman ni­to.

Nang masanggi nga niya kanina ang latay ay napa-“aray” ito.

Nasa ganun siyang pag-iisip nang kumilos si Mommy Donna. Mabilis siyang nakadikit sa ina-inahan at tinanong.

‘‘Gusto mong kumain. Nagluto ako ng sopas.’’

Tumango.

“Sandali at kukuha ako.’’

Maya-maya, dala na niya ang sopas na nasa mangkok.

“Susubuan kita.’’

Tumango.

Sinubuan niya. Habang sinusubuan, iniisip niya ang mga itatanong dito. Hindi na siya magpapaliguy-ligoy pa.

“May mga latay ka sa likod. Sinong may kagagawan n’yon?’’

Hindi sumagot. Ayaw tumingin sa kanya.

Sinubuan uli niya.

Naubos ang sopas.

“Gusto mo pa?’’

Umiling.

“Gagamutin ko ang latay. Lalagyan ko ng gamot para hindi mamaga.’’

Pinatalikod ni Ruth ang ina-inahan at ginamot niya. Walang tutol si Mommy Donna. Hanggang sa makita niya na umiiyak ito.

“Sino ang may ka­gagawan nito, Mommy.’’

Patuloy sa pag-iyak si Mommy Donna.

(Itutuloy)

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with