Kaliwa’t kanan
TULAD ng inaasahan, kinondena ng grupong PISTON ang kasalukuyang kampanya ng gobyerno laban sa mga bulok at mausok na sasakyan. Bahagi raw ang kampanya sa hindi makataong PUV modernization program ng gobyerno. Aabutin ng P1.6 milyon ang presyo ng modernong jeepney, na hindi raw kayang pasanin ng ordinaryong jeepney operator at drayber, kahit pitong taon pa ang hulugan. Alam ko ang naging pahayag ni President Duterte sa mga kumokontra sa modernisasyon ng pampasaherong jeepney.
Pero kung talagang masama na rin ang kondisyon ng sasakyan at bumubuga na ng maitim at makapal na usok, tama lang na sitahin at kung kinakailangan, huwag nang ipagamit. Kung hindi na mapapaayos, dapat lang hindi na pumasada. Para sa lahat ito, maging pampubliko o pribadong sasakyan. Binabanggit ko noon na bakit may mga tumatakbo pang mga sasakyang ganyan, kung may smoke emission testing naman bago maparehistro ang sasakyan. Malinaw na walang silbi ang ilang testing center diyan kung nasusuhulan na lang para ipasa ang sasakyang masama na ang kondisyon.
Wala pang ikinakasang kilos-protesta, pero asahan na mangyayari ito, lalo na’t tumaas na ang presyo ng diesel dahil sa excise tax, at tataas pa dahil sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Mistulang kaliwa’t kanan na suntok ang matatanggap ng mamamayan, partikular mga mahihirap, kung saan hindi naman makalaban. Siguradong tataas na ang presyo ng maraming bagay. Mas marami nga ang mauuwing pera dahil nabawasan ang buwis, pero may bawi naman kaagad. Sigurado hindi lang mga grupong transportasyon ang magkakasa ng mga kilos-protesta.
May mga ibang drayber na hahabaan na lang ang pamamasada, para mabawi ang itinaas ng presyo ng diesel. Karamihan naman ay hindi makikinabang sa anumang benepisyo ng TRAIN, pero siguradong tatamaan sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
- Latest