PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Militar ang kalaban

(Huling Bahagi)

ISANG taon at anim na buwan na kinulong sina Manny at Raffy. Inilipat sila sa iba’t ibang safehouse at patuloy na binubugbog, pinapahiya, at tinatakot. Maging ang pinuno ng batalyon na isang Major General ay alam at kinukunsinti pa ang ginagawa sa kanila katulad ng ibang sibilyan na hinuli at hindi dumaan sa proseso ng batas.

Hanggang nagkaroon ng pagkakataon sina Manny at Raffy na makatakas. Nalasing ang kanilang bantay kaya nagawa nilang umeskapo pagkatapos ng 18 buwan na pagkakabilanggo. Nagsampa sila ng petisyon na writ of amparo laban sa mismong Secretary ng Department of National Defense (DND) at sa Chief ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Inatasan ng Supreme Court ang Court of Appeals na dinggin ng kaso.

Pagkatapos ng paglilitis, nagdesisyon ang Court of Appeals pabor kina Manny at Raffy. Binigay ng CA ang pribilehiyo ng writ of amparo at inutos sa DND Secretary at sa AFP chief na isumite sa korte ang anumang ulat ma­ging opisyal ito o hindi tungkol sa ginawang imbestigasyon sa kaso ng dalawa, upang kumpirmahin kung saan nakadestino sina Sgt. Roland at Diego; ilabas sa korte ang anumang medical report o record tungkol sa ginawang paggamot o rekomendasyong gamot pati ang listahan ng mga miyembro ng army na tumingin sa dalawa.

Umapela ang DND Secretary at AFP chief sa Supreme Court. Binase lang daw ang desisyon sa testimonya ni Manny na hindi kapani-paniwala o imposible, paiba-iba at pabor lang sa sarili. Hindi raw ito sapat na ebidensiya. Isa pa, nakatakas naman daw sina Manny at Raffy kaya lumipas na ang pangangailangan sa writ na hinihingi nila.

Kinatigan pa rin ng Supreme Court ang desisyon ng CA. Ayon sa Supreme Court, ang writ of amparo ay isang mabisang lunas sa extralegal killings at sapilitang pagkawala ng mga tao base narin sa naging karanasan natin sa human rights abuses dito sa Pilipinas. Sapat na ang ebidensiya para ito ay paniwalaan at matanggap ang magiging konklusyon.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Sa kasong ito, ang kuwento nina Manny at Raffy sa ginawang pagdukot, pag-torture at pagtakas nila ay malinaw at kapani-paniwala. Tadtad ng makatotohanang detalye ang nakakatakot nilang karanasan at makikita rito ang masidhing pagnanais nilang makatakas. Nakatatak sa memorya ni Manny kung paano siya ginising, piniringan, kinaladkad pasakay ng van at walang-awang binugbog sa iba’t ibang safehouse sa loob ng 18 buwan hanggang sila ay makatakas. Ang salaysay ni Manny ay katugma ng naging salaysay ni Raffy pati na rin ng mga testimonya, medical report ng forensic specialist at mga litrato ng mga peklat o marka ng mga sugat ng ginawa sa kanila.                 

Panghuli, kahit pa pisikal na silang malaya, libre ring kumilos ang mga taong dumukot at nagkulong sa kanila. Nasa posisyon pa rin ang mga ito para saklawan ang karapatang-pantao nina Manny at Raffy na maging malaya at mabuhay na walang takot sa torture at bigyan ng proteksyon ng gobyerno (The Secretary of the DND and Chief of Staff, AFP vs. Manalo and Manalo, G. R. No. 180906, October 7, 2008).  

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: