PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

EDITORYAL - Magandang buhay

MARAMING Pinoy ang naniniwala na mas magi­ging maganda ang kanilang buhay ngayong 2018. Kumpara noong nakaraang taon, mas malaki ang paniniwala ng mga nakararami na magkakaroon sila nang magandang kapalaran ngayong taon na ito at matutupad ang lahat nang mga pangarap nila sa buhay. Positibo sila na magiging maganda at matatag ang kanilang buhay.

Sa pinaka-latest survey ng Social Weather Stations (SWS), 47 percent ng mga Pinoy ang nagsabi na mag-iimprove ang kanilang buhay ngayong taon. Positibo rin sila na magiging mas maganda ang ekonomiya ng bansa ngayong taon at ito ang magi­ging daan para lalong umunlad ang kanilang buhay. Ito umano ang pinakamataas na expectations (+ 40 pataas) na naitala mula noong Disyembre 2015.

Taun-taon ay ganito ang lumalabas sa survey pero nakagugulat na mas marami ngayon ang positibo na mas magiging maganda pa ang uri ng kanilang pamumuhay ngayong taon. Nakagugulat na 4 percent lamang ang nagpahayag na hindi raw uunlad ang buhay nila ngayong taon. Wala rin daw silang nakikitang pagbabago.

Marahil ang isang dahilan kaya tumaas ang expectations nang maraming Pinoy na magkakaroon sila nang magandang buhay ay dahil sa mga programang isasagawa ng pamahalaan ngayong taon. Una na rito ang pagkakapasa ng TRAIN bill kung saan madagdagan ang take home pay ng mga manggagawa na kumikita ng P150,000 bawat taon dahil wala na silang babayarang income tax. Mae-enjoy ng mga karaniwang manggagawa ang kanilang suweldo.

Isa pa rin sa maaaring dahilan kaya positibo ang pananaw nang nakararaming Pinoy ngayong 2018 ay dahil sa ginagawa ng pamahalaan na pagtugis sa mga corrupt na opisyal na lumulustay sa pondo ng bayan. Kung malilipol ang mga corrupt sa pamaha­laan, wala nang magnanakaw sa perang mula sa buwis at makikinabang na sila sa hatid na serbisyo nito.

Kailangan lang ay tuparin ng kasalukuyang pama­halaan ang lahat nang pangako para hindi masayang ang pag-asam. Kailangang madama na ang sustansiya ng sinasabing pagbabago ngayong 2018. Ka­ilangang magkaroon na ng magandang buhay ang nakararaming Pilipino.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: