PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Mga isyu sa pera

NGAYONG matatapos na ang 2017, may ilang isyu na may kaugnayan naman sa pera. Literal na pera. Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), hindi na palalawigin ang huling araw para ipagpalit ang mga lumang serye ng pera para sa bagong serye. Kaya kung hindi pa napapalitan ang lumang serye noong Biyernes, wala nang halaga ang hawak mong pera. Tatlong beses nang pinalawig ang deadline para palitan ang pera, kaya wala nang dahilan para hindi magawa ito. Higit isang taon na ring pinaalam ng Bangko Sentral ang pawalang-halaga ng mga lumang serye ng pera. Hindi naman ako magugulat kung may mga hindi nakapagpalit pa rin ng kanilang lumang serye.

Tinukoy din ng BSP ang mga pagkakaiba ng bagong P5 sa P1. Lumabas na sa sirkulasyon ang bagong P5. May mga nagsasabi na may pagkatulad ito sa P1. Ang lumang P5 ay iba ang kulay kaya alam ko kaagad na P5 ito. Ang bago ay pareho na rin ang kulay. Pero mas malaki, mas mabigat daw ang P5  sa P1. Makinis din ang gilid ng P5 habang may gatla naman ang P1. Sa tingin ko magkakaroon ng kalituhan pa rin sa una, hanggang sa masanay na rin ang taumbayan. Ganito rin naman ang naranasan ng tao sa P20 at P50, pati sa P100 at P1,000 na halos pareho ang kulay. Kailangan lang masanay na tingnan nang mabuti ang binubunot at ibinabayad na pera, maging papel o barya.

May mga lumabas naman na P100 na tila kulang ang mga detalye, tulad ng larawan ni Manuel Roxas, ang malaking numero na “100”, ang salitang “Republika” at iba pang detalye. Napuna ng isang nag-withdraw ng pera sa ATM ang mga pagkakamali. Inamin na rin ng BSP na 33 piraso ng P100 na may mga kulang na detalye ang lumabas sa sirkulasyon. Problema raw sa pag-imprenta ng nasabing pera ang dahilan, na naayos na raw. Nasa 19 ang nabawi na raw ng BSP. Pero para sa mga kolektor ng pera at barya, baka mas mataas na ang halaga ng mga maling P100 dahil nga sa mga kulang na detalye, lalo na’t inamin na ng BSP na ang makina nila ang nagkamali. Sa madaling salita, hindi peke na pera, kundi pagkakamali ng BSP.    

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: