Federalismo at martial law
TAMA si Presidente Duterte sa kanyang assessment. Hindi pa handa ang bansa sa sistemang federal. Ngunit ang federalism ay isang marubdob na obsession ng Pangulo. Nais niyang maipatupad ito sa panahon ng kanyang termino Ngunit saan mang anggulo sipatin, imposible ito kung anim na taon lang siyang uupong Pangulo.
Para sa Pangulo, ang federalism ang siyang tatapos sa matagal nang problema sa Mindanao. Ano ba ang federalism? Sa sistemang ito ay bibigyan ng sariling pamamahala ang bawat rehiyon sa bansa.
Katulad ito sa hinihingi ng mga Bangsamoro sa Mindanao na autonomia. Maganda sana ito dahil ang mga rehiyon at lalawigan ay hindi na aasa pa sa pamahalaang central o ang tinatawag na imperial Manila. Pero hindi bawat rehiyon ay may kakayahang magsarili. May mga rehiyong may likas na yaman at kayang tustusan ang sariling pangangailangan at mayroon din naman wala at sa mga rehiyong ito ay talamak ang kahirapan.
Tama ang Pangulo. Hindi handa ang bansa. Dapat munang tiyakin na may ibubuga na ang bawat lalawigan sa pagsasarili. Kailangan diyan ang pag-akit ng investors at pagtatayo ng mga kinakailangang imprastruktura para makapag-negosyo. Hindi kayang matapos iyan sa isang iglap lalu pa’t ikukonsidera ang mga hadlang sa mga gawaing iyan gaya ng korapsyon at terorismo.
Kaya sa tingin ko, iyan ang dahilan kung bakit ikinukonsidera ngayon ng administrasyon ang martial law. Patuloy ding pinalulutang ang posibilidad na magdeklara ng martial law hindi lamang sa Mindanao kundi sa buong bansa.
Ano man ang layunin ng martial law, hindi pa rin ito katanggap-tanggap dahil kontra ito sa demokrasyang dapat nating pangalagaan. Ang kailangan lang ay maging institutionalized ang mga programang pangkaunlaran ng bansa. Hindi yung bawat administrasyon na naluluklok ay may kani-kaniyang agenda at ang iniwanang programa ng nakalipas na administrasyon ay ibabasura lang.
- Latest