PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Pinatay ang misis

(Unang Bahagi)

KAPAG nahuli ng isang tao ang kanyang asawa sa aktong nakikipagtalik sa iba o kahit pa pagkatapos lang mismo ng pagtatalik at napatay niya ito, siya ay mahahatulan lang ng destierro o ang pagbabawal na lumapit mula 250 metro hanggang hindi lalampas sa 25 kilometro mula sa lugar na pinangyarihan ng krimen o ng kanilang tahanan. Ito ang kaso ni Nolan.

Nagpakasal si Nolan kay Ria at nanirahan ang mag-asawa malapit sa taniman ng strawberry kung saan sila namimitas ng nasabing prutas at nagbebenta nito bilang ikinabubuhay nila. Nagkaroon sila ng apat na anak pero hindi naging maayos ang kanilang pagsasama. Madalas ay nagtatalo ang dalawa at nagkakasundo lang sa baran­gay. Madalas nga na nakikita si Ria na sumasama sa kung sinu-sinong lalaki.

Isang umaga, maagang umalis si Ria para raw maki­pitas ng strawberry sa katabing taniman kasama si Elsa na kapatid niya at ang kaibigang si Lita. Pagkatapos ay pumunta naman sila sa bahay ni Bella at nagkuwentuhan tungkol sa mga pinitas na strawberry noong umaga.

Noong alas onse-medya ng umaga, bigla na lang sumulpot si Nolan at sinampal si Ria sa kanang pisngi sabay sabi na “Halika para makita mo ang hinahanap mo” sabay hugot ng kutsilyo mula sa bulsa. Nagtakbuhan ang mga babae sabay hiyaw at hingi ng saklolo. Paglingon ni Elsa ay nakita pa niya na bumagsak sa kanal si Ria nang dalawang beses saksakin sa dibdib ni Nolan.

Samantala, narinig ni Mora na kapatid ni Elsa ang sigawan ng mga babae habang ito ay nagtataga ng kahoy na panggatong. Tumakbo siya para lumapit sa kinatatayuan ni Elsa at nakitang nakatihaya ang duguang si Ria na may 7 hanggang 8 dipang layo kay Nolan. Hi­na­bol ni Mora si Nolan pero nakatakas ang lalaki. Napilitan na lang si Mora na balikan si Ria at dalhin sa ospital. Pero “dead on arrival” na ang babae.

(Itutuloy)

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: