^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Kalinisan at Dengvaxia

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Kalinisan at Dengvaxia

NAKAPANLULUMO ang inamin ng Sanofi Pasteur­ sa natuklasan nila sa Dengvaxia vaccine – pala­lalain nito ang sakit kapag nabakunahan ang isang hindi pa nagkaka-dengue. Kailangan ay nagka-dengue na ang pasyente bago siya bakunahan. Nakapagtataka na hindi agad ito nalaman ng manufacturer ng Dengvaxia. Kailangang lumipas pa ang mahigit isang taon bago nila nadiskubre ang kahihinatnan ng mga nakatanggap ng bakuna.

Mahigit 700,000 school children ang binakunahan noong Abril 2016. Inaprubahan ng Department of Health (DOH) ang pagbabakuna at mga bata sa National Capital Region (NCR), Calabarzon at Central Luzon ang mga unang nakatanggap.

Nang sumabog ang balita ukol sa magiging epekto­ ng Dengvaxia sa mga taong nabakunahan na pero hindi pa nagkaka-dengue, marami ang nangamba lalo na ang mga magulang. Kahit sinabi ng Malacañang na huwag magpanik, hindi ito nakabawas sa alalahanin. Sinong magulang ang hindi mag-aalala gayung nasa katawan ng anak nila ang bakuna.

Nag-utos na nang malalimang imbestigasyon ang Department of Justice ukol dito. Sabi naman ng Malacañang, mananagot ang lahat ng sangkot o may kina­laman sa dengue vaccine fiasco. Hindi raw titigil ang pamahalaan hangga’t walang napaparusahan.

Ang dengue ay hatid ng lamok na tinatawag na Aeidis Aegypti. Sa araw lamang kumakagat ang lamok na ito. Madaling makilala ang lamok na ito dahil sa itim at puting guhit sa katawan nito. Paboritong tirahan ng lamok ang mga basyo ng bote, goma o gulong na may istak na tubig, mga tabo o paso ng halaman. Nangingitlog din ang mga ito sa mga estero na hindi umaagos. Naninirahan din sa malalagong halaman. Ipinapayo na huwag magsasampay ng damit sa madilim na bahagi ng bahay.

Sintomas ng dengue ang mataas na lagnat na tumatagal ng isang linggo, kulay kapeng ihi, paglabas ng pantal-pantal sa balat at pananakit ng katawan. Kapag nakaranas ng ganitong sintomas, magpa­tsek-ap agad sa doctor.

Inimbento ang Dengvaxia para labanan ang dengue. Pero sa nangyaring kontrobersiya, tila mas ma­ganda pa kung pananatilihin na lamang ang paglilinis sa kapaligiran at bahay para walang mabuhay na lamok. Kung mapapanatili ang kalinisan, hindi na kailangan ang bakuna. Linis-linis lang dapat ang ipairal.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with