^

PSN Opinyon

Ano ba ang kinatatakutan ng Kongreso?

REPORT CARD - Ernesto P. Maceda Jr. - Pilipino Star Ngayon

PATULOY pa ring pinaiiral ng Mababang Kapulungan ang kakaibang interpretasyon ng kanilang kapangyarihan sa impeachment. Ngayong tinatalakay ang reklamo laban kay Chief Justice (CJ) Ma. Lourdes P.A. Sereno, malinaw na ayaw pagbigyan ng mga kongresista si CJ ng anumang makakapagpagaan sa kanyang kalagayan. 

Nagiging palaisipan tuloy ang mahirap intindihing asal ng ating mga Congressman. Ang reklamo laban kay CJ ay, tulad din at walang pinagkaiba sa ibang mga paratang, isang bagay na dapat muna suriin. Sa mga testimonya at dokumentong kalakip ng reklamo, mukha bang may sapat na batayan ang mga akusasyon na puwede itong dalhin sa hukuman (Senado) mismo at doon papatunayan? 

Dahil sa kalaunan ay pagtalsik sa puwesto ang puwedeng resulta ng proseso, natural lang na hilingin ang pagkakataong harapin ang mga paratang. At, gaya din ng karaniwang karapatan ng mga akusado, maari itong gawin sa paraang personal o kaya ay sa anyo ng kung sinong abogado ang kakatawan sa kanyang interes. Ito ang pinaka-basic na pagtrato na dapat asahan ng CJ sa ilalim ng batas. 

Paano nga naman gagawin ng isang impeachable official ang paghamon sa mga sabi-sabi ng mga nagreklamo kapag wala itong katulong na eksperto sa kanyang tabi? Dahil ba sa abogada ang CJ ay ipagkakait na sa kanya ang ganitong karapatan? 

Hindi nakasaad ng malinaw sa Saligang Batas ang karapatan ng akusado sa proseso ng impeachment sa mababang kapulungan. Dahil dito ay itinakda ng mga Kongresista ang mga patakarang gusto nilang sundin na walang pagsaalang-alang sa mga karapatan ng inireklamong opisyal.

Makikita ang kahibangan ng ganitong interpretasyon kung ang opisyal na iniimpeach, halimbawa, ay hindi abogado. Tulad ni Pangulong Joseph E. Estrada noon o di kaya ni Pangulong Gloria M. Arroyo na sumunod dito. Marami sa ating impeachable officials ang hindi abogado – sa Commission on Audit at mismong sa Comelec din. Ipipilit din ba ng Kongreso na mag-isa silang mag-cross examine sa anumang paratang sa kanila gayong maari naman itong gawin para sa kanila ng piniling tagapagtanggol?

May bilang naman silang pihado na bumoto para sa impeachment. Ano kaya ang kinatatakutan nila at kahit itong basic na kortesiya at karapatan ay hindi nila maibigay?

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with