PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Lunes, Martes

NOONG Lunes, may pahayag ang Palasyo kung bakit sinibak si Dionisio Santiago, ang dating chairman ng Dangerous Drugs Board (DDB). Ayon kay Harry Roque, tagapagsalita ng Palasyo, sinibak si Santiago dahil sa kanyang mga biyahe kung saan isinama umano ang buong pamilya, at isinama rin umano ang mga “paboritong empleyado” ng DDB sa mga biyahe sa Vienna, Austria at US. Sa madaling salita, korapsyon ang dahilan. Dagdag pa ni Roque, isinama pa ang isang “Girl Friday” na pinanga­lanan pa. May tinanggap pa raw na bahay mula sa mga Parojinog, kapalit ang mga pabor hinggil sa iligal na droga noong nasa PDEA pa siya. Napatay si Mayor Reynaldo Parojinog Sr. sa isang operasyon ng PNP sa kanilang taha­nan. Noong Lunes lahat iyan. 

Matitindi ang mga akusasyon na isiniwalat ni Roque laban kay Santiago. Kaya nagtataka naman ang marami na kung noong Setyembre at Oktubre pa naganap ang mga sinasabing biyahe, bakit ngayon lang ipinahayag, at hindi pa sinibak noong naganap ang sinasabing korapsiyon. Tandaan na iba ang dahilan na ibinigay kung bakit pinagbitiw ni Duterte si Santiago. Nasaktan daw sa pahayag na pagkakamali at hindi praktikal ang itinayong mega drug rehab center sa Nueva Ecija. At paano makukumpirma ang akusasyon hinggil sa pagbibigay ng bahay kung patay na si Parojinog? Itinanggi ni Santiago ang lahat ng aku­sasyon, at ikinagalit ang paglabas sa media ni Roque ng mga akusasyon kahit wala pang beripikasyon.

At ganun na nga. Noong Martes, itinanggi ng unyon ng DDB na nagsulat umano ng reklamo kay Pres. Rodrigo Duterte laban kay Santiago. Lumalabas na peke pala ang sulat ng nagreklamo umano laban kay Santiago. Kaya ang pahayag naman ngayon ni Roque ay hindi rin nila kaagad tinanggap na totoo ang mga paratang, at isinaad na si Duterte ang may huling salita kung sino ang kailangang sibakin mula sa gobyerno, kapag nawala na tiwala sa kanya. Pero minabuti nilang ilabas kaagad sa media, para sa mata ng mga masugid na taga-suporta ni Duterte, may sala na si Santiago. Ilan pa kayang mga pekeng akusasyon ang isinulong, para mapasama ang ilang tao, partikular mga kilalang kritiko ng administrasyon? 

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: