PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

EDITORYAL - Kailan makakamtan ang hustisya?

WALONG taon na ang nakalilipas mula nang maganap ang pinakamalagim na massacre sa bansa. Pero wala pang katiyakan kung kailan makakamtan ng mga kaanak ng 58 biktima ang katarungan. Pero sabi ng isang private prosecutor, sa susunod na taon daw mahahatulan ang mga aku­sado. Nasa 112 katao ang sangkot sa karumal-dumal na masaker na karamihan sa mga pinatay (32) ay pawang mamamahayag. Kung magkakatotoo ang sinabi ng prosecutor, magandang balita ito.

Noong Nob. 23, 2009, kasama ang mga mamamahayag, nagtungo sa Ampatuan, Maguindanao ang convoy na kinabibilangan ng asawa, kaanak, supporters ng kandidatong si Ismael Mangudadatu para mag-file ng kandidatura sa pagka-go­vernor, subalit hinarang sila ng may 100 armadong kalalakihan at pinagbabaril. Matapos matiyak na patay na lahat, inilibing sa nakahandang hukay.

Sinampahan ng kaso ang pamilya Ampatuan at mahigit 100 katao dahil sa masaker. Kasalukuyan silang nakakulong at dinidinig ang kaso. Namayapa na ang matandang Ampatuan (utak umano ng masaker) noong 2014 at mayroon namang pinalaya na dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Marami sa mga kaanak ng biktima ang napapagod na at nawawalan ng pag-asa na makakamtan ang hustisya. Lalo pang nadagdagan ang kabi­guan, nang sabihin ng legal expert na aabutin nang mahabang panahon bago magkaroon ng desisyon ang kaso. Maraming taon pa umano ang bibilangin bago ganap na makita ang liwanag sa kasong ito.

Isang pangamba ng mga naulila ay ang unti-unting pagkawala ng mga testigo sa karumal-dumal na krimen. Marami nang pinatay para wala nang ma­kapagsalita sa totoong nangyari.

Sana nga mayroon nang conviction sa susunod na taon ang kasong ito. Walong taon nang pagkasiphayo ang naranasan ng mga kaanak ng biktima. Huwag na sana itong madagdagan pa. Tapusin na ang paghihintay. Hatulan na ang mga pumatay.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: