PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Kumplikado raw ang sitwasyon

BAKIT naman bumoto ang Pilipinas kontra sa resolusyon ng United Nations General Assembly sa krisis sa Ro­hingya­? Sampung bansa – China, Russia, Syria, Zimbabwe, Belarus­, Myanmar, Cambodia, Laos, Vietnam at Pilipinas lang ang bumoto kontra sa resolusyon. Nasa 135 bansa naman ang bumoto pabor sa resoluyon, habang 26 ang hindi bumoto, kabilang ang Singapore at Thailand. Ang resolusyon ay nananawagan ng ganap at walang hangganang pag-access ng humanitarian aid sa Myanmar, at mabigyan ng ganap na mga karapatan ang mga Muslim na Rohingya, na itinuturing ng mga Buddhist sa Myanmar na iligal na imigrante mula sa Bangladesh. May mga nagsasabi na “ethnic cleansing” na ang nagaganap sa Myanmar, kung saan marami na ang napapatay na Rohingya Muslims ng militar ng Myanmar.

Maiintindihan ko kung bakit bumoto na pabor sa reso­lusyon ang Indonesia, Malaysia at Brunei Darussalam, dahil mga Muslim ang naaapi sa nasabing lugar sa Myanmar. Maiintindihan ko rin ang pagboto ng hindi ng Myanmar, Cambodia, Laos at Vietnam dahil sa mas laganap ang relihiyong Buddhism sa kanilang bansa. Pero bakit naman tayo bumoto kontra sa resolusyon? Karapatang pantao ang isyu dito. Kaya ba tayo bumoto kontra sa resolusyon, dahil karapatang pantao na naman ang isyu, kung saan masasabihan ang bansa na hipokrito dahil sa mga isyu rin ng human rights? O sumabay na lang tayo sa China at Russia, mga bagong kaibigan ni Duterte? O wala na tayong pakialam sa lahat ng nais gawin ng UN? Ayon sa Palasyo, kumplikado raw ang sitwasyon sa Myanmar, at hindi sagot ang ibukod ang Myanmar. Parang de-kahon na sagot. Paano pala ang libong naghihirap?

Nabanggit ko na dapat hindi na lang bumoto ang Pilipinas, tulad ng Singapore at Thailand. Tila pahiwatig na problema ng Myanmar iyan, at walang dapat makialam. Pero bakit naman boboto kontra sa paghatid ng walang balakid na tulong sa mga nangangailangan na libong Rohingya Muslims sa Rakhihe state? Nakikita ng buong mundo ang kahirapan ng Rohingya Muslims na tumatakbo patungong Bangladesh para lisanin ang patayan. Matutuwa ba tayo kung may mga bumotong bansa na huwag tumulong sa mga lumikas ng Marawi noong kasagsagan ng labanan, kahit ano pa ang dahilan nila? Dapat bumoto ang Pilipinas pabor sa resolusyon ng UN. Nabilang lang ang Pilipinas sa mga bansang kilalang kumokontra sa karamihan ng mga resolusyon ng UN.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: