PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Malaking katuparan

IPINAGMALAKI ng PDEA ang kanilang nagawa sa loob ng isang buwan nang sila na ang itakda ni Pres. Rodrigo Duterte na manguna sa mga operasyon sa iligal na droga. Ayon sa datos ng PDEA, sa higit 1,300 operas­yon, higit P53 milyon halaga ng droga ang nasamsam. Higit 400 drug pushers at users ang naaresto. Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, nagawa nila ang malaking katuparan ng mga nahuli at nasamsam na droga dahil sa kanilang konsentrasyon sa mga “high-value targets”. Ayon pa kay Aquino, kahit kulang na kulang sila sa tao, pondo at kagamitan ay magpapatuloy pa rin sila na gawin ang hindi inaasahan sa kanilang gawin, magtagumpay.

Ang wala sa datos ng PDEA ay ang mga napapatay sa kanilang mga operasyon. Walang nanlaban sa kanilang paghuli sa mga suspek. Kapansin-pansin din na ang kanilang mga nahuli ay mga suplayer ng droga, at hindi lang mga hinihinalang mahihirap na adik o tulak-droga na napapatay sa mga kalsada dahil nanlaban umano, at ilang pekete lang ng shabu ang nasasamsam.

Purihin o parangalan kaya ng Palasyo ang PDEA sa kanilang nagawa na sa loob ng isang buwan? O maliitin lang dahil hindi nababawasan ang mga sangkot sa iligal na droga dahil wala nga silang napapatay? Ang narinig ko pa lang ay ang panunuya ni PNP chief Dir. Gen. Ro­nald dela Rosa. Wala raw mga krimeng panggagahasa at pagpatay noong sila ang gumagawa ng mga ope­rasyon sa iligal na droga. Hindi ba dapat nagpapahayag siya na tinutukoy na nila ang mga naganap na krimen, para nahuli ang mga salarin at maparusahan, imbis na manuya pa? Iyan naman ang trabaho ng pulis, hindi ba?

Sa totoo lang hindi ko maintindihan ang sistema natin­, kung saan kailangang magtalaga ang Presidente ng ahensiya para manguna sa mga operasyon sa iligal na droga. Bakit hindi na lang magtulungan ang PDEA at PNP, kung magagawa iyan? Hindi ba saklaw naman ng sinumpaang tungkulin nilang lahat ang sugpuin ang krimen? Ang iba lang talaga ay ang bilang ng mga napapatay ngayon. Ang bilang ng mga napapatay ba ang tamang sukat ng tagumpay sa kampanya sa iligal na droga, at hindi ang paghuli sa mga suplayer kung saan walang namamatay?

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: