PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

EDITORYAL - Kung ibabalik sa PNP ang giyera sa droga…

MARAMING drug addict. Patuloy ang bentahan ng illegal drugs. Kahit saan, namamayani ang bawal na droga at tila wala nang takot ang mga sindi­kato. Maski sa Correctional Institution for Women ay namamayani ang bentahan ng shabu. Ganundin sa New Bilibid Prisons na tila ba ang drug trade ay kara­niwan na lamang.

Laganap ang droga sa mga barangay at sinasabing 80 percent nito ay drug infested. Ito ang dahilan kaya dalawang beses nang pinagpapaliban ang barangay election sa utos ni Pres. Rodrigo Duterte. Gagamitin lamang umano ng syndicates ang drug money para sa kampanya. Kaya malaking hamon sa pamahalaan ang problema sa illegal na droga. Kahit nagsagawa na nang puspusang kampanya laban sa illegal drugs at marami nang naaresto at may mga napatay pa, wala pa ring pagbabago. Patuloy pa rin ang kanilang pamamayagpag at tila hindi nababawasan.

Ang nangyaring panggagahasa, pagpatay at pag­sunog pa sa isang dalagang empleada ng banko sa Rosario, Pasig noong nakaraang linggo ay kagagawan umano ng mga addict, ayon sa pulisya. Natagpuan ang sunog na bangkay ni Mabel Cama sa isang bus terminal na ginawang impounding area ng MMDA. Ayon sa mga saksi, huling nakitang buhay si Mabel noong Sabado malapit sa bus terminal. Malapit lang ang bahay ng biktima sa terminal. Limang tao ang inilagay ng Pasig police bilang “persons of interest”. Sabi ng Pasig police, mahuhuli nila sa lalong madaling panahon ang mga salarin.

Bangag din sa shabu ang sinasabing suspect sa pagpatay sa magkasintahan sa Bataan. Nahuli na ang suspect noong Huwebes.

Mabigat pa rin ang problema sa illegal drugs. Walang pagbabago. Sabi ni PNP chief Director Ge­neral Ronald dela Rosa, handa silang bumalik para ituloy ang kampanya laban sa illegal na droga kung ito ang ipag-uutos ni Duterte. Noong nakaraang buwan, inalis ng Presidente sa PNP ang papel sa illegal drugs at inilipat sa PDEA.

Kung babalik sila sa utos ni Duterte, sino sila para tumanggi? Kung yan ang utos sa kanila, sana, ilagay sa tama ang operasyon laban sa illegal drugs. Huwag nang hayaang maakusahan na luma­labag sila karapatang pantao. Kung ibabalik sila, isa­ayos ang sistema.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: