PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Bakla ang mister ko

(Unang bahagi)

 

ITO ay isang kakaibang kaso tungkol sa isang magandang pagsasama na nauwi sa masaklap na paghihiwalay dahil sa hindi natupad na mga pangako sa kasal. Ito ang kaso ni Paolo at Minda.

Pagkatapos ng isang tahimik na kasal na sinundan ng engrandeng handaan ay natulog sina Paolo at Minda sa bahay ng nanay ng lalaki. Magkasama sila sa iisang kuwarto at nakahiga sa iisang kama pero walang nangyari sa kanila sa unang gabi ng kanilang pagiging mag-asawa. Imbes na magtalik tulad ng inaasahan ni Minda ay basta natulog si Paolo. Tinalikuran pa nga siya nito. Ganoon din ang nangyari sa sumunod na pangalawa, pangatlo at pang-apat na gabi ng kanilang pagsisiping.

Sinubukan naman ng mag-asawa na magbakasyon sa isang pribado at romantikong siudad para sa kanilang honeymoon sa unang linggo ng kanilang pagsasama. Ang siste ay isinama ni Paolo ang nanay at pamangking lalaki. Sinabihan pa niya si Minda na isama din ang ina at tiyuhin nito. Apat na araw sila sa siyudad pero wala pa ring pagtatalik na naganap. Sadyang iniiwasan ni Paolo si Minda. Kapag siesta ay naglalakad ang lalaki sa labas at sa gabi naman ay natutulog sa tumba-tumba (rocking chair) sa salas.

Sa sumunod na sampung buwan ng kanilang pag­sasama ay walang nangyaring pagtatalik sa mag-asawa. Natutulog si Paolo at Minda sa iisang kuwarto at nakahiga sa iisang kama pero kahit minsan ay hindi sila nagtalik. Sa katunayan pa nga, ay hindi man lang nakita ni Minda ang pag-aari ni Paolo. Kahit minsan din ay hindi tiningnan ni Paolo ang katawan ng babae. Sa inis ni Minda ay hiniwalayan niya si Paolo at nagsampa ng petisyon para ideklarang walang bisa ang kanilang kasal dahil sa psychological incapacity ng mister at base na rin sa kawalan nito ng kakayahan na gawin ang tungkulin bilang asawa. Pinaratangan pa ni Minda na baog at isang bakla o closet homosexual ang asawa. Ayaw man lang daw kasing ipakita sa kanya ni Paolo ang buong katawan at minsan ay nahuli pa niya na ginagamit nito ang eyebrow pencil at kolorete ng ina. (Itutuloy)

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: