PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Ang superstar ng ASEAN Summit

UNA sa lahat binabati ko ang mga namuno sa magandang kinalabasan ng ASEAN Summit meeting na ginanap sa ating bansa. Nakakatuwa dahil pati panahon ay nakiisa sa pagdiriwang. Alam naman nating lahat na ang karamihan ng malalakas na bagyo ay nasa buwan ng Nobyembre. Sigurado na itong ginanap na ASEAN Summit meeting sa ating bansa ay nagpapahiwatig na ligtas puntahan ng mga  turista ang Pilipinas. Napanatili ng PNP ang zero crime at nagawang maayos ang kanilang trabaho laban sa mga rallyistang makaliwa.

Pero sa lahat ng nangyari noong nakaraang linggo, maliban sa pinag-uusapang ASEAN Summit meeting ay ang ginawa ni Prime Minister Justin Trudeau ng Canada. Mula sa unang araw nIya sa bansa ay pinagkaguluhan na siya ng ating mga kababayan. Isang lider na nakisalamuha sa mababang uri ng mamamayan na hindi ko nakita sa ibang mga lider na pumarito sa ating bansa. Biruin n’yo isang mataas na lider ng bansa kumain sa fast food at nag-take-out pa ibig sabihin nagustuhan niya ang pagkain. Para sa akin, si Trudeau ay isang magandang halimbawa ng isang lider na pantay-pantay ang tingin niya sa tao.

Sa lahat nang lider na dumating sa bansa, si Trudeau lang ang nag-ungkat ng isyu ng karapatang pantao at extra judicial killings (EJKs) na nangyayari sa ating bansa. Nabulaga tayo dahil hindi akalain ng lahat na sa kanya ito manggagaling. Di ba akala natin, si US Pres. Donald Trump ang mag-uungkat sa war on drugs ni Pres. Digong Duterte.

Maraming leader ng iba’t ibang bansa ang dumating para dumalo sa Asean Summit meeting at si Trudaeu ang masasabing superstar sa kanilang lahat. Mas pinag-usapan pa nga siya kaysa kay Trump.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: