PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Mag-ingat sa Budol-budol

NABIKTIMA ng Budol-budol gang ang dating OFW na si Leo­nardo Austria ng Balanga, Bataan. Si Leonardo ay nagtrabaho ng 30 taon sa ibang bansa subalit sa isang iglap nasimot ng Budol ang kanyang pinaghirapan. Ayon kay Leonardo, nakilala niya ang isang Engineer De Guia at isang negosyanteng Hapones na interesadong bilhin ang kanyang bahay sa Bagac, Bataan sa halagang P10 milyon. Nauwi ang usapan sa negosyong tuna export ng dalawa sa Japan. Nagpahanap sila kay Leonardo ng produktong mainam para mapanatiling sariwa ang tuna. Naisip ni Leonardo ang isang nagpakilalang Vince na importer umano ng canned goods at nakilala ng biktima ilang linggo pa lang ang nakalipas.

Nagpabili sina De Guia ng produkto ni Vince kay Leonardo. Pumayag si Leonardo dahil kikita siya ng P1,000 komisyon sa bawat kahon ng produkto. Hindi inakala ni Leonardo na magkakasabwat pala ang tatlo. Sa kuha ng CCTV, makikitang binubuhat ni Vince papasok ng bahay ni Leonardo ang limang kahon katulong pa ang driver. Ang masaklap nito sa text lang pala nakatransaksyon ni Leonardo si De Guia. Inabonohan muna ni Leonardo ang ibinayad sa mga produkto ni Vince para masiguro ang kanyang tutubuin. Na litse na! Doon pa lang nabulag na si Leonardo ng magkakakutsabang Budol-budol. Hehehe!

Bukod sa P1 milyong cash na binayaran sa delivery, inutusan pa si Leonardo na magdeposito ng P4 milyon sa bank account ni Winifredo Angeles Adriano. Hindi pa nakuntento ang sindikato kaya pinagdeposito muli sa account ni Adriano si Leonardo ng P3 milyon para mai-deliver kono ang 250 kahon ng produkto. Pangako ni De Guia kay Leonardo na P12,500,000 ang idedeposito sa kanyang account. Ang lahat ng kagustuhan ng sindikato ay sinunod ni Leonardo hanggang sa inabot na ng gabi, walang dumating na produkto at hindi na rin ma-contact sina Vince at De Guia.

Kinabahan na si Leonardo kaya binuksan niya ang mga kahon at doon niya natuklasan na arina ang laman nito. Halos panawan ng ulirat si Leonardo nang mapagtanto na nabiktima siya ng budol-budol. Dahil sa nangyari, hirap nang makatulog si Leonardo at kanyang asawa kaya kailangan pang uminom ng anti-depressant. Umaapela si Leonardo sa pamunuan ng banko na tumulong sa kanya upang matukoy ang mga suspek. Hiling din ni Mang Leonardo na makakuha ng kopya ng CCTV sa banko at larawan ng nag-withdraw ng pera.

Kaugnay nito may isa pang retiradong OFW na biktima rin ng sindikato. Isang alias “Antonio” na helicopter mechanic ang tinangayan din ng P5 milyon matapos alukin nang malaking tubo sa pagbebenta ng Virgin Coconut Oil. Mukhang iisang grupo lamang ang bumiktima kina Mang Leonardo at Antonio kaya nananawagan ako mga suki na tumulong tayo sa paghahanap sa mga suspek nang mapanagot sila sa batas. Bukas ang kolum ito sa mga impormasyong inyong maipaparating sa akin. Tulungan natin ang mga biktima na mabawi ang kanilang perang pinaghirapan.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: