PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Babaguhin na raw

TUMATANGGAP ng P1,000 kada araw. Ito umano ang allo­wance ni PO3 Walter Vidad mula kay Diane Uy. Lumalabas na P30,000 ang naiuuwi kada buwan, hindi pa kasama ang kanyang sahod mula sa PNP. Security detail si Vidad ni Uy magmula 2015. Daming pera na niyan. Ikumpara sa mga ibang propesyon tulad ng nurse, mga doktor at empleyado sa gobyernong ospital, mga naghihirap araw-araw pero tapat sa trabaho. Nagpaliwanag na ang PNP-Police Security and Protection Group (PSPG) kung bakit nabigyan si Uy ng secu­rity detail, kung anak pala siya ng kilalang “drug queen” na nakapiit sa Correctional Institute for Women (CIW), kung saan opisyal na suplayer pa ng bigas si Uy. Dati nang nadukot at nakalaya lang nang magbayad ng pantubos.

Siguradong alam ni Vidad ang mga iligal na pinagga­gawa ni Uy. Sa halagang P1,000 kada araw, tila nabili na ang katahimikan. Iniimbestigahan pa kung may kinalaman siya sa mga operasyon ni Uy hinggil sa droga. Halimbawa, siya ba ang nagpapasok ng bigas na may nakatagong droga sa CIW? Tumu­tulong ba siya sa pagbalot ng mga shabu sa mga plastic­? Mga aksyon na iyan ay sapat na para kasuhan hinggil sa iligal na droga. Buti nga hindi siya “nanlaban” nang sala­kayin ng PDEA ang condo unit ni Uy. Armado kaya walang barilang naganap.

May isa pang security escort si Uy. Ayon sa mga rekord, escort din si PO2 Faisal Sawadjaan. Nangako si PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa na matatanggal sa serbisyo ang dalawang security escort ni Uy. Ayon kay Dela Rosa, dahil sa perang natatanggap mula kay Uy, lumipat na raw ang katapatan nila kay Uy, at hindi na sa PNP. Sabihin na lang na nabili na ang mga pulis na iyan. Ganun lang naman kasimple. Dapat kasuhan din ng kriminal, hindi lang administratibo na tatawanan lang nila, kung mapatunayang may kinalaman sila sa mga operasyon ni Uy. PDEA pa ang nakadiskubre ng iligal na droga eh may dalawang taga-PNP naman sa loob. Hindi ba kailan lang minaliit aang kakayanan ng PDEA para sugpuin ang droga?

Babaguhin na raw ng PNP-PSPG ang kanilang mga patakaran hinggil sa pag-apruba at pagtakda ng mga security escort sa lahat, pati mga opisyal ng gobyerno. Mas magiging mahigpit at istrikto. Ipinatawag daw ni Dela Rosa ang lahat ng security detail. Hindi sinabi kung bakit ipinabalik ang mga pulis. Baka irerelyebo ang mga bantay, para nga naman hindi maging masyadong pamilyar. Tingin ko diyan nagsisimula ang problema, kapag masyado nang pamilyar. Kailangang alamin din ang buong pagkatao ng mga humihingi ng security. Background check, ika nga. Kasama riyan mga pulitiko at opisyal ng gobyerno, hindi lang mga pribadong mamamayan.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: