PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Buong Asya nagbabantay

ANG opisyal na pahayag ng Palasyo hinggil sa planong paglayag ng pinakamalaki at pinakasopistikadong barko na ginagamit sa paglikha ng mga isla sa karagatan ay “rely on good faith”. Sa madaling salita, tila sinasabi na umasa na lang na hindi aangkinin at maglilikha ng China ng mga isla na hawak na ng Pilipinas, partikular ang Panatag o Scarborough Shoal na napakalapit sa bansa, pero hindi na binitawan ng China magmula 2012, batay sa salita at pangako lang.

Ayon naman kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, may mga sundalo naman ang bansa sa mga isla na hawak na natin. Kaya kung sakaling biglang dumating ang barkong iyan sa mga hawak nating isla ay malalaman kaagad natin. Tila walang pahinga si Lorenzana. Halos katatapos lang ng labanan sa Marawi ay may isyu naman na kailangang bantayan. Bakit hindi gamitin ang mga eroplano na pinahiram, binili at binigay sa atin para mabantayan ang kilos ng barko? Hindi ba mas malalayo na ang kakayanang lumipad ng mga iyan? Ang binabanggit ko ay ang mga eroplano na hindi naman armado at ginagamit para sa pagmamatyag lang.

Sa totoo lang, kahit saan pa magsimulang maglikha ng isla ngayon ang barkong iyan ay wala tayong magagawa. Alam natin ang katayuan ni Presidente Duterte pagdating sa China – hindi kayang labanan o tapatan ang China. Kaya wala rin magagawa ang Pilipinas kahit sa Panatag Shoal pa magsimulang maglikha ng isla. Umaasa na lang sa salita ng China na hindi ito gagawin. Ayon kay Duterte, magiging prangka raw siya kay Pres. Xi Jinping hinggil sa Panatag Shoal, kapag nagkita sila sa Vietnam.

Pero siguradong maglilikha ng isla ang China. Hindi pa lang sigurado kung saan. Bakit pa nila ginawa ang malaking barkong iyan kung hindi rin nila gagamitin. Sigu­rado gusto na nilang masubukan ang kanilang “magic island maker”, at makita ang kakayanan nito. Hindi lang ang Pilipinas ang nagbabantay sa kilos nitong barko, kundi ang buong Asya. 

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: