PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Sa wakas

MALAKI ang hinanakit ng karaniwang mamamayan sa gobyerno kapag nagkukulang ito sa paghatid ng serbisyo. Hindi naman lahat ng pangangailangang kritikal ang iaasa ni Juan de la Cruz sa kanyang pamahalaan. Siempre, limitado ang kabang yaman ng bansa. Ang maibibigay nitong tulong ay nasa anyo ng mabuting pama­mahala. At ang pagsiguro na kahit papaano, ang pagpupursigi sa pamamaraang naaayon sa batas ay masusuklian kahit papaano.

Ang isang serbisyong inako ng pamahalaan ay ang mass transportation system. Ito ay ang pagtatag ng sasakyang pampubliko na may kapasidad na maghatid ng lalong nakararaming pasahero sa malawak ding mga ruta at sa halagang abot-kaya ng bulsa. 

Sobra na talaga ang problema ng trapiko sa lungsod. Kung kaya ikinatuwa natin ang pagtayo ng MRT dahil sa ito’y mistulang episyente at modernong sagot sa ating pang-araw araw na kalbaryo. Halos 500,000 kada araw ang naseserbisyuhan nito. Sa ilalim ng nakaraang pamahalaan ni Pangulong Benigno Aquino III, napasina­yaan ang MRT na inasahang magbibigay ginhawa sa namamasaheng Pinoy.

Pero alam natin lahat kung papaano natapos ang kuwento ng MRT. Laging late, laging sira at nagiging buwis buhay pa ang pakikipagsapalarang pagsakay dito. Ang masaklap, hindi na balita kung masiraan ang MRT. Ang mas malaki pang balita ay kung may araw na dumaan na wala itong aberya.

Ang tinuturo na may kagagawan ng lahat ng problema ng MRT ay ang maintenance contractor nito na bini­ya­yaan ng kontrata noong nakaraang administrasyon. Itong Lunes ay opisyal nang kinansela ang kontrata ng Busan Universal Rail (BURI) at inako ng pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Transportation ang pamamalakad ng maintenance ng MRT. 

Hindi natin malalaman agad kung kakayanin ng pamahalaan na gampanan ang pangangailangan ng episyenteng pagpapatakbo ng MRT. Subalit nagpapasalamat pa rin ang lahat na, sa wakas, tinanggal na ito sa kamay ng dating may hawak. Sadyang hindi talaga katanggap tanggap na patuloy pa rin nilang hawakan ang responsibilidad kung hindi naman nila kaya pangatawanan.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: