PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Depression malala, huwag balewalain

MABUTI’T binawi ng TV celebrity ang maling pagmamaliit niya sa mga taong depressive, na umano’y mga nag-iinarte lang. Hindi gawa-gawa ang kondisyon, at lalong hindi sana balewalain. Kokonti ang nakakaintindi sa kalalaan ng depression sa kalusugan ng tao, at nakakagulo sa marami ang mali-maling ulat sa media. Kadalasan pa nga pinagdududahan, tinutuya, o kinaiinisan ang dumadanas ng depression, na inaakalang nagpapapansin lang. May nagpapalagay na sakit lang ‘yon ng mayayamang walang pinag-aabalahan, o physiochemical imbalance na mareremedyohan ng ilang tabletas at alak.

Pero tulad ng lahat ng sakit ang taong depressive ay dapat lunasan at tulungan. Hindi kahinaan ang depression, o negatibong personalidad. Natural sa tao makaranas ng lungkot, pero ang clinical depression o medical depressive disorder ay maaring magpabalik-balik, tumagal nang dalawang linggo, at gumulo sa pang-araw-araw na gawain. May mga umaalis sa eskuwela o trabaho, at nagmumukmok sa bahay. Anang mga depressive, tila palaging may nagmamanman sa kanila, o wala na silang pag-asa, kaya’t nawawalan ng gana sa normal na buhay. May mga nagpapasya na pagpapakamatay na lang ang solusyon.

Ilang palatandaan ng MDD ay labis na pagkapagod, kawalan ng sigla halos araw-araw, pagkabagabag at kawalang halaga ang sarili, magulong isip at hindi maka-desisyon, hindi makatulog o labis na pagtulog, hindi mapakali, pag-iisip ng napipintong kamatayan o pagpapatiwakal, at biglang pangangayayat.

Idulog ang pasyente sa doktor. Hindi komo pinaka-masasayahing tao ang Pilipino ay hindi na tayo tatamaan ng depresion. Isa sa bawat lima sa atin ay mayroong nagsisimula o malala nang depression. Huwag ito ikahiya at itago, kundi’y harapin at nang masolusyonan.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: