PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

EDITORYAL - Huwag basta magsalita

MAY punto sana si dating Dangerous Drugs Board (DDB) chief  Dionisio Santiago nang sabihin nito na ang 10,000-bed mega drug facility sa Nueva Ecija ay miscalculated at ang nararapat ituloy ng gobyerno ay ang community-based program para matulungan ang drug users na talikuran ang bisyo. Masyado naman talagang malaki ang drug rehab na nasa Fort Magsaysay at masyadong malayo para mabisita ng mga kamag-anak. Gagastos pa nang malaki ang mga kamag-anak para makara­ting doon.

Pero ang ganitong punto ni Santiago ay hindi niya sinabi nang personal kay Pres. Rodrigo Duterte na naglagay mismo sa kanya sa puwesto, sa halip, sa media siya nagsalita. Hindi niya napigilan ang dila sa pagsasabing mali ang itinayong mega rehab facility. Nagpainterbyu pa siya sa radio at sa TV.

Hindi ikinatuwa ni Duterte ang ginawa ni San­tiagio. Feeling ng Presidente ay na-offend siya. Pi­­nagbitiw niya sa puwesto si Santiago na inilagay niya sa puwesto noong Hulyo. Noong Lunes, nag­hain ng resignation si Santiago. Sabi ni Santiago nang kapanayamin makaraang magbitiw sa puwesto, hindi raw niya akalain na ganito ang kahahantungan ng kanyang matagal na pagseserbisyo sa gobyerno.

Prerogative ng Presidente na alisin ang kanyang tauhan na sumasalungat o nagkokomento sa mga gustong mangyari ng Presidente. Mahirap namang may tauhan ka na nagngangawa at kumakalaban sa inaakala mong nararapat para sa bansa. Hindi dapat sumalungat lalo pa nga’t ang isyu ay tungkol sa drug rehabilitation na problema ngayon ng bansa. Mula nang maupo si Duterte, maigting ang kanyang kampanya laban sa illegal na droga. Maraming bumabatikos sa ginagawang drug war ng gobyerno kung saan may mga drug suspects na napapatay ng mga pulis.

Mas maganda kung hindi sa media nagsalita si Santiago at sa halip ay humingi siya ng audience sa Presidente at sinabi ang kanyang mga puna sa mega-drug rehab. Hindi siya dapat nagsalita na nagko-contradict sa gustong mangyari ng Presidente. Tama naman ang Presidente nang sabihin nito na bakit walang nagawa si Santiago noong ito ay nagsisilbi pa sa P-Noy administration.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: