PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

PSPG ang bantay ni Uy

TAGA-Police Security and Protection Group (PSPG) ang bantay ni Diana Uy. Ang PSPG ay sangay ng PNP na nagtatakda ng mga pulis para maging bodyguard ng mga opisyal ng gobyerno, dignitaryong banyaga at pribadong indibidwal na aprubado ng PNP. Si PO3 Walter Vidad ang bantay ni Uy. Kaya ang tanong ay inapruba ba ng PNP ang pagbabantay ng pulis kay Uy? Ano ang dahilan? Masyadong mayaman na kailangang may bantay? May banta sa buhay?

Kailangan ding tanungin si Vidad kung bakit hindi niya ipinaalam ang iligal na ginagawa ni Uy. Hindi na lang niya pinansin? O nasuhulan na rin siya para tumahimik? Kailangang imbestigahan ang pulis na ‘yan. Kailangan ding magpaliwanag si PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa.

Nagbitiw naman si Dionisio Santiago bilang chairman ng Dangerous Drugs Board (DDB). Si Pres. Rodrigo Duterte umano ang nagsabing magbitiw na siya, na ipinadaan kay Executive Secretary Salvador Medialdea. Kailan lang ay nagpahayag si Santiago na ang malaking rehab center sa Nueva Ecija ay pagkakamali at impraktikal. Ang rehab center ay itinayo sa tulong ng isang mayamang taga-China. Nagpasalamat si Duterte sa tumulong para itayo ito.   

Sa totoo lang, hindi kataka-taka ang utos ng Presidente na bumitiw na si Santiago. Marami nga ang naghihintay kung kailan mangyayari ito. Tila hindi puwedeng kontrahin ang Presidente habang nasa serbisyo ng gobyerno. Kaya ano kaya ang mangyayari kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sa kanyang pahayag na kailangang protektahan ang karapatan ng tao na magbigay ng mga kontrang opinyon, para sa mas matibay na demokrasya. Hindi raw demokrasya kung hindi makabibigay ng kumokontrang opinyon ang mamamayan. Baka kailangan niyang linawin na para lang ito sa mga pribadong mamamayan, at hindi para sa mga nagtatrabaho sa administrasyon. May isusunod na pagbibitiwin kaya?

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: