PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Chief Justice Sereno paraanin sa proseso

TACTLESS and self-betraying. Iyan ang masasabi natin sa panawagan ng Malacañang kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na magbitiw na lang sa tungkulin sa halip na ma-impeach.

Aminin man o hindi ng Malacañang, malakas ang hinala ng taumbayan na sadyang gustong walisin ni Presidente Duterte ang mga taong hadlang sa kanyang plataporma para wala nang kokontra sa lahat ng ma­isipan niya at inaakalang tama. Dahil diyan, bakit hindi na lang bayaan ng Palasyo na isulong ang proseso na handa namang harapin ni CJ Sereno? Ang panawagan ng Palasyo na siya ay magbitiw ay lalu lamang nagbi­bigay ng pruweba sa hinala ng maraming mamamayan.

Naninindigan naman si Sereno na nakahanda siyang harapin ang lahat ng kasong inihahain laban sa kanya kapag gumulong na ang impeachment sa Kamara de Representante. Ang panawagan sa pagbibitiw ni Sereno ang isa sa mga kontrobersyal na pahayag ng bagong tagapagsalita ng Pangulo na si Harry Roque. Ang isa pa ay ang babala niya na babatuhin niya ng adobe at hollow blocks ang sino mang bumabatikos sa Pangulo. Hindi ko alam. Baka iyan talaga ang gusto ng Pangulo sa isang spokesman. Brusko at tigasin, na hindi kata­ngian ng pinatalsik na spokesman na si Abella.

Tumpak ang desisyon ni Sereno na sumailalim sa impeachment proceedings dahil sa ganyang paraan lang niya malilinis ang kanyang pangalan laban sa mga alegasyong ipinukol sa kanya. Hindi makatutulong sa kanya ang pagbibitiw tulad ng ginawa ni dating COME­LEC Chair Andy Bautista. Hindi na nga matutuloy ang impeachment pero may kaso pa ring isasampa laban sa kanya sa hukuman.

Kaya sinasaluduhan ko si Sereno sa kanyang desisyong harapin punto-por-punto at letra-por-letra ang mga akusasyon laban sa kanya sa gaganaping impeachment proceedings.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: