PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Taga-SAF at PSG?

MAY lumabas na ulat na isang taga Special Action Force (SAF) na pulis at isang taga-Presidential Security Group (PSG) ang nagbabantay kay Diane Yu Uy, anak ni Yuklai Yu, kilalang “drug queen” na kasalukuyang nakapiit sa Correctional Institute for Women (CIW). Sinalakay ng PDEA, Bureau of Corrections (BOC) at PNP-NCRPO ang condo unit ni Uy, at nadiskubre ang dalawang kilong shabu na nagkakahalaga ng P10 milyon. Banggitin ko na rin na napakalapit sa isang gate ng Palasyo ang condo unit na sinalakay ng PDEA.

Lumalabas na si Uy ang nagpapasok ng iligal na droga sa CIW, dahil isa siya sa mga kontraktor ng bigas sa nasabing institusyon. Dahil may mataas na pahin­tulot na makapasok ng CIW, naipapasok ang droga, na nadiskubre rin ng PDEA. Ayon pa kay PDEA Director General Aaron Aquino, baka si Uy rin ang nagsu-suplay ng droga sa ibang lugar. Nagtangkang manuhol pa si Uy. Ayon kay Aquino, nag-alok ng P5 milyon para “huwag na lang maingay”. Tila nauuso ang kasabihang iyan. Hindi ba iyan din ang pahayag ng isang taga Aegis Juris nang mapatay na si Horacio Castillo III?

Kung totoo na taga-SAF at taga-PSG ang mga nagbabantay kay Uy, ano ang paliwanag ng dalawang orga­nisasyon dito? Parang mahirap paniwalaan na hindi alam ng kani-kanilang hepe na may binabantayan sila. Sideline ba nila ito? Puwede bang gawin iyan? Kung aktibo sila sa SAF at PSG, ano ang ginagawa nila sa bahay ni Uy, na anak ng kilalang “drug queen”? Napakalakas naman nitong si Uy para makakuha ng taga-bantay mula sa SAF at PSG. Sino ang padrino nito? Taga-Palasyo ba?

Mukhang maraming kailangang magpaliwanag kung bakit taga-SAF at PSG ang nagbabantay kay Uy. Mapapailing ka lang talaga. Hindi mo maiwasang ikumpara sa mga mahihirap na napatay ng mga pulis at nakuhanan ng ilang pakete ng shabu. Mabuti hindi nanlaban ang mga taga-SAF at PSG. Anong klaseng barilan iyan, kung nagkataon. Pare-parehong may kakayanang pumatay. Kaya siguro walang namatay, dahil armado lahat.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: