PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

EDITORYAL - Bentahan ng droga sa Correctional

WALANG pinagkaiba ang Correctional Institute for Women (CIW) sa New Bilibid Prisons (NBP) – parehong lungga ng illegal drugs ang dala­wang bilangguan at mahirap sawatain sapagkat kasabwat ang mga personnel at mga prison guard. Nakapagtataka kung bakit ngayon lang nadiskubre ang aktibidad ng lolang drug queen na si Yu Yuk Lai. Masyado sigurong malaki ang pinamamahagi nitong pera sa mga namumuno sa Correctional. Tinatakpan ng pera ng drug queen ang mga mata ng warden ng Correctional at pati mga guard kaya walang anumang nakakapasok ang shabu at iba pang illegal na droga. Noong nasa Manila City Jail pa si Yu Yuk Lai noong 1999, nakakalabas ito sa selda at nagka-casino. Binabayaran din ang mga hepe at prison guard doon para makalabas at nang mapiit sa Correctional, doon naman ginamit ang kapangyarihan ng pera.

Nakumpiska sa selda ni Yu Yuk Lai ang may P5 milyong halaga ng shabu at maraming tseke. Sinalakay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang selda ng drug queen dakong 4:30 ng madaling araw at nakumpiska ang droga. Umano’y may link si Yu Yuk Lai sa mga drug lord na sina Jaybee Sebastian, Peter Co at Ben Marcelo na nakakulong sa NBP.

Ayon sa PDEA, naipapasok ang shabu sa Correctional dahil inihahalo ito sa mga sako ng bigas na dinideliber doon ng anak ni Yu Yuk Lai na si Diane Yu. Bukod sa paghahalo sa bigas, inilalagay din sa pantyliners ang shabu. Makaraang salakayin ang selda ng drug queen sa Correctional, ang condo unit naman ng anak nito sa San Miguel, Manila ang sinalakay at nakakumpiska ng milyong halaga ng shabu. Sinubukang suhulan ni Diane ang PDEA agents ng P5 milyon. Nabulgar din na may police escort ang drug suspect.

Dapat purihin ang PDEA sa kanilang mata­gumpay na pagsalakay sa Correctional at sa pagkakadiskubre sa aktibidad ng drug queen at ganundin sa anak nito. Nararapat namang ireporma ang Correctional. Sibakin lahat ang pinuno at pati guwardiya para mawalan ng koneksiyon ang drug syndicates doon.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: