PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Nabigyan ng pansin

NAPANSIN sa social media ang ginawa ng isang Fine Arts graduating student ng UST. Nilakad niya mula UST sa España, Manila hanggang bahay niya sa Fairview, Quezon City. Sinukat ko sa pamamagitan ng Waze ang distansiya. Halos 19 na kilometro ang pinakamaikling ruta, kung ito ang kanyang nilakad. Inabot ng halos walong oras ang kanyang paglalakad. Bumigay nga ang kanyang mga sapatos sa kakalakad. Pero dahil sa kanyang ginawa, nabigyan ng pansin ang mga problema o pinagdadaanan ng mga naglalakad sa ating siyudad. Naisip din niya ang mga batang naglalakad nang malayo sa lalawigan, para lang makarating sa kani-kanilang pa­aralan. Minsan may tinatawiran pang ilog.

Ilang bangketa ang hindi maayos. May mga cons­truction na nakatengga lang na nagsilbing balakid sa paglalakad. Maraming aso ang nakasalubong. Mabuti na lang hindi nangagat. Mga ginawang rampa para sa mga taong may kapansanan (PWD) ay halos hindi mapakinabangan. Ang iba ay hinarangan pa ng poste o fire hydrant. Nakakatawa nga. May overpass naman­ na putol. Ako napansin ko nga na ilang bangketa ay halos hindi na malakaran dahil ginawang tambakan ng basura. Mga iba naman ay tinayuan ng tindahan, o pinaradahan ng sasakyan na hindi na umaandar. Kaya madalas ay nasa kalsada na ang mga naglalakad, dahil wala nang malakaran sa bangketa. Mga sasakyan pa ang umiiwas para hindi matamaan ang mga naglalakad, dahil kapag nasagi ng side mirror mo ay ikaw pa ang may kasalanan. Pero may mga pasaway din sa kalsada. Maayos naman ang bangketa pero halos nasa gitna pa rin ng kalsada naglalakad.

Hindi nga nakakatuwa maglakad sa maraming lugar sa Metro Manila kumpara sa ibang bansa. Bukod sa mga nabanggit nang balakid, masama rin ang polusyon. Dapat matukoy din ito ng gobyerno o lokal na pamahalaan, dahil marami pa rin ang naglalakad na hindi kaya ang panay na mamasahe, o mag-Uber at Grab. Kung maganda lang sana ang mga lakaran, baka mas marami na ang maglakad imbis na sumakay. Baka makatulong pa sa masamang trapik sa Metro Manila kung maglalakad na lang imbis na magdala ng sasakyan.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: