^

PSN Opinyon

Agawan sa apo

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

(Unang bahagi)

ITO ay isang kaso tungkol sa kustodiya ng isang bata. Ang pinag-uusapan dito ay karapatan o kapangyarihan ng magulang sa kanyang anak. Maaari bang basta isuko o ilipat ng isang magulang sa ibang tao ang karapatan niya sa anak? Istorya ito ni Marta na isang biyudang may labindalawang anak at ng manugang niyang si Carla.

Ikinasal si Carla kay Ernie na isa sa mga anak na lalaki ni Marta. Pagkatapos ng kasal ay pumisan sila kay Marta dahil may sapat na kabuhayan ang biyenan para sustentuhan sila. May malaking tindahan, mga pauhapang kuwarto at buwanang pensiyon kasi si Marta mula sa namatay na asawa. Nagkaroon sila Carla at Ernie ng dalawang anak, sina Girlie at Merlie. Si Girlie ay pinalaki ng nanay ni Carla sa probinsiya samantalang si Merlie naman ay kasama nilang nakatira sa bahay ni Marta.

Iyon nga lang, pagkatapos ng anim na taon ng pagsasama ay namatay si Ernie. Si Girlie noon ay apat na taong gulang at si Merlie naman ay tatlong taon. Nagde­sisyon si Carla na bumalik na lang sa nanay niya sa pro­binsiya kasama ang anak. Pero nakiusap si Marta na iwan sa kanya si Merlie para raw kahit paano ay mabawasan ang lungkot nito sa pagkawala ng anak na lalaki. Kaya si Carla na lang ang umuwi sa probinsiya. Si Merlie ay naiwan sa lola nitong si Marta.

Hindi nagtagal ay nakilala ni Carla ang isang Japa­nese-American Orthodontist, si Dr. William Okada, sa pamamagitan ng kanyang tiyahin. Nagkaroon sila ng relas­yon hanggang magdesisyon na magpakasal sa loob lang ng dalawang taon mula nang namatay si Ernie. Lumipas ang sampung buwan ay isinama ni Okada si Carla sa Amerika. Namasukan si Carla bilang trainee sa isang bangko samantalang patuloy na lumago ang propesyon ng  mister. Nakapagpatayo ito ng klinika na kumikita ng $5,000 dolyar kada buwan bukod pa sa pagkakaroon ng tatlong kotse.

Kaya bumalik sa Pilipinas si Carla para dalhin ang mga bata sa Amerika. Sinabi niya kay Marta na kukunin na niya ang anak na si Merlie dahil payag naman ang kanyang mister na pag-aralin at suportahan ang mga bata. Pero hindi pumayag ang biyenan. Ang katwiran nito ay inabandona na kasi ni Carla ang anak at ibinigay ang kustodiya sa kanya. (Itutuloy)

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with