^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Mga tumulong sa Maute, hanapin at pulbusin din

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Mga tumulong sa Maute, hanapin at pulbusin din

HINDI pa masabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung kailan matatapos ang clearing operation sa main battle area sa Marawi City. Patuloy pa ang ginagawa nilang pagsasaliksik sa mga bahay-bahay doon at baka may nagtatago pang teroristang Maute. Maingat din nilang sinasaliksik ang bawat sulok at baka may nakabaon pang mga bomba. Huling napatay ng mga sundalo ang 40 terorista na nagtatago sa isang gusali. Bawal pang pumasok doon ang mga sibilyan. Ang mga sundalo ang magbibigay ng permiso sa residente kung kailan dapat bumalik doon.

Makaraang mapatay ang mga lider ng Maute noong nakaraang linggo, nawalan ng direksiyon ang mga terorista. Parang mga daga na hindi malaman kung saan susuling hanggang sa masukol sila sa isang gusali. Kabilang sa mga huling napatay ang apat na dayuhan.

Walang pagsidlan sa tuwa ang may 360,000 eva­cuees na limang buwang dumanas nang mahirap na kalagayan. Marami sa kanila ang nagsibalikan na sa kani-kanilang mga bahay at sinisimulan na nilang linisin. Mas okey daw sa sariling bahay nila kaysa evacuation centers na sobrang init at bumabaha naman kung malakas ang ulan.

Maaaring napatay na ang lahat ng Maute. Pero ang tanong ngayon, nasaan ang mga taong sumuporta at nag-finance sa mga terorista. Marami sila pero dalawang tao pa lang ang naaaresto na umano’y nagpi-finance sa Maute. Isang lalaking taga-Valenzuela at isang taga-Novaliches ang inaresto noong nakaraang linggo. Pero maituturing na mga maliliit na finan­cier lamang ang mga ito na barya-barya lang ang itinutulong sa mga terorista. Ang dakmain ng AFP at PNP ay yung milyones ang ipini-finance na kayang bumili ng mga matataas na kalibre ng baril.

Ayon sa report, nakapasok ang Maute sa Marawi dahil sinuportahan ng mga maiimpluwensiya at ma­yayamang tao roon. Naipasok ang mga matataas na kalibre ng baril at nakapaggawa ng mga tunnel. Kabisadung-kabisado rin nila kung saang gusali pupuwesto na para bang nakapag-survey na sila noon para maging matibay ang depensa.

Ang nararapat gawin ng AFP ay puspusang ha­napin ang mga taong sumuporta sa Maute. Tiyak na marami ang financiers ng Maute. Kung hindi mahuhuli ang mga ito, maaaring mag-finance  uli sila sa ibang teroristang grupo. Hanapin sila at durugin din gaya nang ginawa kina Isnilon Hapilon at Omar Maute.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with