^

PSN Opinyon

EDITORYAL- Malaya na

Pilipino Star Ngayon
 EDITORYAL- Malaya na

MARAMING natuwa nang ibalita ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na kumpirmado nang patay sina Isnilon Hapilon at Omar Maute. Si Hapilon ay lider ng Abu Sayyaf at si Omar ay lider ng Maute terrorist group na sumalakay sa Marawi noong Mayo. Napatay ang dalawa noong Lunes ng madaling araw.

Kahapon, inihayag naman ni Pres. Rodrigo Duterte na liberated na ang Marawi. Halos maglundagan sa kasiyahan ang mga taga-Marawi nang marinig ang pahayag ng Presidente. Nasa 400,000 na residente ng Marawi ang nawasak ang mga bahay at kasalukuyang nasa evacuation centers. Sa wakas daw ay makakabalik na sila sa kani-kanilang bahay kahit pa nagkasira-sira na ang mga ito. Muli raw nilang itatayo ang nasira nilang tahanan. Muli rin nilang sisimulan ang natigil na negosyo. At higit sa lahat, matatahimik na raw sila dahil sa pagka­matay ng dalawang teroristang lider. Makakatulog na raw sila nang mahimbing.

Halos lahat ng bahay at mga gusali sa Marawi ay nasira at malaking halaga ang kailangan bago muling­ maitayo ang nasirang lungsod. Ang paglalaan nang malaking pondo para maitayo ang Marawi ang dapat pagsikapan ng pamahalaan. Buhusan ng tulong ang siyudad para muling maibalik sa dating anyo. Kailangang mapaunlad ang negosyo roon para lubusang umusad ang buhay ng mga residente.

Isa namang hindi malilimutang leksiyon sa mga mamamayan ang nangyari sa kanilang lugar. Kung naging mapagmatyag lamang ang mga residente, hindi sana nakapaglungga ang Maute group sa tulong ni Hapilon. Sa nadiskubreng mga tunnel sa Marawi, halatang matagal nang pinlano at ginawa ang pagsalakay. Paano nagawa ang mga tunnel doon na hindi man lang naramdaman ng mga residente. Paano naipasok ang mga baril. Sabi noon ni Duterte, may tampo rin siya sa mga taga-Marawi sapagkat hinayaan ng mga ito makapasok ang mga terorista.

Matinding leksiyon ang nangyari sa Marawi at marahil matututo na ang mamamayan na maging mapagmatyag. Maging mapag-obserba sa galaw ng mga terorista.

Ngayong malaya na ang Marawi, simulan na ang pagsasaayos nang nasirang lunsod. May liwanag nang nakikita sa pusod ng Marawi.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with