PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Solusyon o pahirap?

MAY panukala na kapag mag-isa lang sa pribadong sasakyan, bawal dumaan sa EDSA sa lahat ng oras ng araw, coding man o hindi. Ito ang pinaka bagong pinag-iisipang solusyon sa sumasamang trapik sa EDSA, bukod sa gawing one-way ang EDSA at gawing dalawang araw na ang coding ng mga sasakyan. Nilinaw naman kaagad ng MMDA na kailangang pag-usapan at pag-aralan pa ito nang masinsinan, kasama ang 17 mayors ng Metro Manila. Kailangan masubukan rin ang sistema, bago opisyal na patuparin. May mga patakaran din ang mga sasakyan na dalawa o tatlo ang sakay. Kapag dalawa ang sakay ay ka­ilangang sundan ang kasalukuyang coding na sistema. Kapag tatlo ay pwedeng dumaan kahit anong oras, kahit anong araw. Magulo. Kaya dito pa lang sa mga kausap ko ay tinatanggihan na ang plano.  

Paano pala kung mag-isa lang sa isang bahagi ng EDSA? Kung may mga kasama at bumaba, kailangan nang umalis ng EDSA? At paano ang mga kailangang dumaan dahil sa emergency? Paano sasalain ng MMDA ang mga sasakyan na may kagyat na pangangailangang dumaan ng EDSA? Hindi ba mas sasama ang trapik kung lahat ng mga ito ay huhulihin na? Kung ganito na ang mga iniisip na solusyon, bakit hindi pa pagbawalan na lang nang lubusan ang mga sasakyan sa EDSA?

Parang mas pahirap lang ito sa mamamayan, imbis na solusyon. Kung sasama naman ang trapik sa mga maliliit na kalsada, kung saan napakaraming balakid na hindi pa matuntunan ng mga lokal na pamahalaan, ano ang naitulong nito sa tao? Ang kailangan ay maayos na pampublikong transportasyon, na sa ngayon ay wala ang Metro Manila. Kung maayos lang sana ito, marami ang hindi na magdadala ng sasakyan. Kung patutuparin man ang planong ito, dapat ayusin na muna ng mga lokal na pamahalaan ang lahat ng balakid sa mga maliliit na kalsada, tulad nakaparadang sasakyan, mga tindahan na halos nasa kalsada na, pati mga ginagawang basketball court at burol ng mga namatayan. Ipagbawal na rin ang pagsara ng mga kalsada dahil sa mga piyesta. Lahat ito dapat ayusin na muna, kung magkakaroon ng malawakang pagbabawal ng sasakyan sa EDSA.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: