^

PSN Opinyon

Aplikasyon at renewal ng passport, madali na

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas - Pilipino Star Ngayon

MATAPOS magbukas ng libu-libong appointment slots sa publiko, pinadali  naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang passport application sa pamamagitan ng pagsasaayos ng appointment system. Inayos ng DFA ang disenyo ng online appointment system para sa isang tingin lamang ay makikita na ng aplikante ang mga bakanteng petsa kung kailan puwede siyang mag-apply o mag-renew ng passport. “Ngayon, hindi na nila kailangang i-click pa ang lahat ng petsa para lang malaman na ang susunod na appointment ay aabutin pa ng dalawang buwan,” sabi ni DFA Office of Consular Affairs Executive Director Angelica Escalona. “Kung bibisitahin mo ang ating appointment website, ang mga petsa na kulay pula ay pawang may naka-book na, samantalang ang mga petsa na kulay berde ay pawang mga bakante,” ayon pa kay Escalona.

Ang appointment system ay dinagdagan din ng feedback mechanism na nagsasabi sa aplikante kung merong problema sa kanyang aplikasyon at kung ano ang dapat niyang gawin upang malutas agad ito. Noon kasi walang feedback mechanism, kaya malalaman lamang ng apli­kante ang problema sa kanyang aplikasyon -- kagaya ng discrepancies o pagkakaiba sa impormasyon o dokumentong isinumite -- sa takdang araw mismo nang pagkuha niya ng passport. Ang resulta ay babalik siya para magsumite ng impormasyon o dokumento at muli para kunin ang passport.

Sa bagong ipinapatupad na feedback mechanism, sabi ni Escalona, ang aplikante ay makakatanggap ng e-mail na nagsasaad ng angkop na feedback mula sa DFA. Ang feedback ay ipinapadala sa aplikante 48 hours o dalawang araw matapos ang pagsusuri sa papeles ng aplikante. Sa ganitong paraan, ang aplikante ay magkakaroon ng sapat na panahon upang maayos niya ang kakulangan o discrepancy sa kanyang papeles at hindi na magpapabalik-balik pa.

Pinapaalala rin ng appointment system na kung ang aplikante ay senior citizen, person with disability o may kapansanan, buntis, solo parent, batang nasa edad na pito at pababa, o overseas Filipino worker, hindi na niya kailangang kumuha ng appointment. Bagkus ay puwede siyang mag-walk-in at gumamit ng courtesy lane. Kailangan lamang niyang ipakita ang kanyang ID. Paliwanag ni Escalona, kahit nakasaad sa DFA website ang mga pwedeng gumamit ng courtesy lane, marami pa rin sa kanila ang dumadaan sa appointment system. Kaya minabuti ng DFA na paalalahanan silang gamitin ang kanilang pribilehiyo.

Ilan pa sa mga ipinatupad na agresibong pagbabago sa DFA ay ang pagsawata sa mga fixers na di pinapayagang pumasok sa DFA at gumamit ng online appointment system. Nakikipagtulungan ang DFA sa National Bureau of Investigation-Cybercrime Division sa ngayon upang mahuli ang mga fixers na nagsasamantala sa mga aplikante. Sa Aseana, ang pangunahing opisina ng DFA sa passport processing, nagtalaga ng mga roving staff members upang tumugon sa mga tanong ng aplikante o magbigay ng agarang tulong sa loob ng pasilidad. Dagdag pa ni Escalona, mababawasan ang init habang naghihintay sa kanilang opisina sa Aseana dahil nagdagdag na rin ng tents at electric fans sa lugar. Meron ding water stations sa mga aplikante para makainom nang malamig na inuming tubig. “Meron pa ngang mga candies para sa sino mang aplikante,” sabi pa ng Executive Director.

Ang mga pagbabagong ito ay ginagawa upang maibigay sa sambayanan ang serbisyong karapat-dapat para sa kanila. Simula pa lamang ang mga ito. Marami pang gustong ipatupad ang DFA upang maging mas mabilis, maginhawa at maayos ang pagkuha ng passport hindi lamang sa Aseana kundi sa lahat ng satellite offices.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with