PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Maling bawas

HINDI na magkandaugaga ang House of Representatives sa kanilang ilang linggong pagrepaso sa 2018 National Budget. Nakakatuwa na inaabot ng 4:30 ng umaga ang mga mambabatas, kahit may bagyo, sa paghimay at pagsuporta sa mga panukalang gastusin ng Pangulo. Sa huli ay P3.767 trillion ang halagang inaprubahan, sa pangalawang pagbasa, para sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan.

Mahigit 12.4 porsyento ang itinaas ng Duterte budget mula sa P3.35 trillion ng taong 2017. Ang pinakamataas na alokasyon ay mapupunta sa Edukasyon – tulad ng iginigiit ng Konstitusyon – at sa Public Works bilang suporta sa build, build, build program ng administrasyon.

Subalit imbes na masiyahan ang marami sa maayos na pagpasa ng budget, ang mas maugong ngayon ay ang kabaliktaran. Imbes na iyong mga kagawarang malalaki ang budget ay palakpakan, iyong ahensiyang binawasan ng budget ang dinamdam.

Marami ang hindi natuwa sa pagbawas ng budget ng Commission on Human Rights mula sa panukala ng Pa­ngulo na P678 million pababa sa P1,000 lamang. Batid ito sa mga damdaming pinapahayag sa social media, sa radio at telebisyon, sa mga pahayagan. Maging ang half-time ng UAAP basketball games ay hindi pinalampas ng mga Atenistang pep squad upang maghatid ng mensahe laban sa ikinilos ng Kamara.

Ang ganitong pagmaktol ay pagpapakita ng kahalaga­han ng karapatang pantao sa Pilipino. Maari rin itong pag­labas ng matagal nang tinitimping sama ng loob sa patuloy na pagyurak sa human rights ng mga kababayang biktimang tulad nina Kian, Carl at Kulot sa kamay ng kapulisan.

Ang ating bansa ay tinitingala hindi lamang sa rehiyon kung hindi sa buong kamunduhan bilang puwersa ng kabutihan sa Asya. Ang Pilipinas ang kauna unahang bansa hindi lamang sa South East Asia kung hindi sa buong Asya na nagtatag ng pambansang institusyon para protektahan ang karapatang pantao. Anong mensahe ang hinahatid sa mundo kapag ang marangal at gloryosong kasaysayan na ito ay tatalikuran ng Kongreso sa pagbalewala nito sa pangangailangan ng CHR? 

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: