PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Paniniwalang relihiyon sa pagkatay ng hayop

BAGAMAT nirerespeto ang pagsampalataya sa mga mauunlad na bansa, maari magkabanggaan pagdating sa paniniwala sa pagkatay ng hayop. Sa Belgium, halimbawa, kapapasa pa lang ng batas na dapat i-stun (hiluhin sa anesthesia) ang hayop bago katayin. Agad umalma ang 40,000 Hudyo at 600,000 Muslim. Pareho ang paniniwala sa relihiyon nila: Para maging kosher o halal ang karne, dapat paduguin ang hayop sa isang hiwa sa lalamunan habang nagpupumiglas. Kaya yuyurakan daw ng bagong batas ang libu-libong taon nang tradisyon nila.

Matigas ang mga Hudyo sa relihiyon sa pagkatay. May mga abogadong Muslim na pumapayag sa kompromiso: medyo-medyo lang ang pag-stun, para masigla pa rin ang hayop na kinakatay. Kaya nagkakasundo sila sa Ger­many. Pero sa Flanders region ng Belgium, at sa Sweden at Denmark, matigas naman ang batas. Basta kelangan tulala ang tupa o manok bago gilitan ng leeg, kaya hindi ito pumipislig at napapadugo. Ang ayaw sa gan’ong pagkatay ay napipilitang mag-import pa ng karne.

Pero sa malalaking hayop tulad ng baka, nakaka­matay ang lakas ng anesthesia. Kaya pumapayag ang mga gob­yerno na i-stun sila pagka-gilit na pagka-gilit ng leeg. Kahit paano, napapadugo pa rin.

Sa India, kung saan mayorya ay Hindu na tinuturing na sagrado ang baka, bawal katayin ito sa maraming states. Kaya naglipana ang 200 milyong baka sa India, pati sa matatrapik na lungsod. Maraming kabataan na ang trabaho ay magpakain lang ng alaga o ligaw na baka. Legal doon ang pagkatay ng kalabaw; ine-export pa nga sa Pilipinas.

Sa mga bansa at lungsod sa Pilipinas kung saan ma­yorya ang Muslim, patago ang pagkatay o pagbebenta ng karneng baboy. Tinuturing na maruming hayop kung ang paa ay hindi hati sa dalawa.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: