PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

EDITORYAL - May pangangailangandin ang CHR

WALA nang gaanong nabibili ang P1,000 ngayon. Kapag nabaryahan ang P1,000, lagas na ito. Kapag P1,000 lang ang laman ng bulsa ng mga karaniwang mamamayan ngayon, nakakaawa naman ang kanilang kalagayan at maituturing na mahirap. Kaya ang ibinigay na P1,000 ng mga mambabatas sa Commission on Human Rights (CHR) para sa kanilang budget sa 2018 ay hindi naman katanggap-tanggap. Mayroon din namang pangangailangan ang CHR at kung wala silang sapat na budget para na rin silang pinatay. Mas mabuti pa nga siguro na buwagin na lamang ito kaysa naman “mamatay sa gutom” dahil sa kawalan ng budget. Pero hindi naman ito basta-basta mabubuwag dahil may tinatadhana sa Saligang Batas.

Tipong iniinis ng mga kongresistang kampi kay Pres. Rodrigo Duterte ang CHR kaya binigyan ng P1,000. Mula pa kasi noon, matindi na ang mga akusasyon ng CHR kay Duterte. Mayor pa lang si Durterte ay “hinahambalos” na ito ng CHR. At hanggang ngayon na Presidente na ay patuloy pa rin ang pagbatikos na lalo pang lumala dahil sa war on drugs ng kasalukuyang administrasyon. Pero sabi ng CHR, ginagawa lang daw nila ang kanilang trabaho o mandato. Hindi naman daw sila lumalaktaw sa kanilang sinumpaang tungkulin.

Nakakuha naman ng kakampi ang CHR nang ipa­ngako ng mga senador na ibabalik ang kanilang hinihinging budget para sa susunod na taon. Humihingi ang CHR ng P678 million para sa 2018. Ngayong taon na ito nasa P749.3 million ang kanilang budget. Nagbabala ang mga senador sa mga miyembro ng House na magkakaroon ng deadlock kapag pinagpilitan ng mga ito ang P1,000 budget.

Naniniwala kaming “iniinis” lamang ng mga mam­babatas ang mga taga-CHR. At kasabihan na kung sino ang mainis ay talo. Ganunman, hindi talaga katanggap-tanggap ang P1,000 na ibinigay ng mga kongresistang nakapanig kay Duterte. Wala nang halaga ang P1,000 ngayon. Sana naman ay magkaroon pa ng pagbabago sa desisyon ng mga mambabatas at dagdagan ang P1,000. Mayroong panga­ngailangan ang CHR katulad din naman ng iba pang ahensiya ng pamahalaan.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: