PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

EDITORYAL - Hanapin ang pumatay

MARAMI ang napanganga nang sabihin ng Phi­lippine National Police-DNA Lab na hindi si Reynaldo de Guzman alyas “Kulot” ang pinaglala­mayan sa Cainta, Rizal. Base umano sa DNA samples na kinuha sa mga magulang at kay Kulot, hindi ito nagma-match. Hindi umano biological offspring nina Eduardo Gabriel at Lina Santa Ana ang natagpuang bangkay sa Gapan, Nueva Ecija. May mga saksak ang natagpuang bangkay na pinaniniwalaang kay De Guzman. Si De Guzman ay huling nakitang kasama ng dating UP student na si Carl Arnaiz sa Cainta. Napatay si Arnaiz ng mga pulis matapos umanong mangholdap ng taxi driver. Pero sabi ng Public Attorneys’s Office (PAO), sinalvage si Arnaiz at tinapon ang bangkay sa C3 road. Naniniwala naman ang mga magulang ni De Guzman na anak nila ang nakitang patay sa Gapan. Ngayong araw na ito ay nakatakdang ilibing si De Guzman.

Punumpuno ng hiwaga ang pagkamatay ni De Guzman sapagkat maski ang taxi driver na sina­sabing hinoldap ni Arnaiz ay walang sinasabi ukol dito. Tanging si Arnaiz umano ang nangholdap sa kanya. Wala umanong kasama si Arnaiz nang gabing sumakay ito sa kanya sa Malabon hanggang sa holdapin siya nito.

Lalo namang nagkaroon ng kalituhan nang sabihin ng kapatid ni De Guzman na nang una niyang makita ang bangkay nito ay nagduda siya dahil mas maliit ang katawan nito. Hindi rin umano kulot ang buhok at ang isang nakapagtataka, walang butas ang taynga (para sa hikaw) ng kanyang kapatid samantalang ang nakitang bangkay ay may butas ang taynga.

Kaninong bangkay ngayon ang pinaglalamayan kung hindi ito si De Guzman? Malaking challenge ito sa mga awtoridad sa Gapan. Kailangang malaman nila ang nasa likod ng kasong ito. Pinatay nang walang awa ang lalaki at saka tinapon sa malayong lugar. Hanapin ang mga pumatay sa lalaki. Nga­yong nagbigay na ng reward ang mayor ng Gapan sa sinumang makapagbibigay ng inpormasyon sa nagtapon sa lalaki dapat malutas ito. Gawin ang lahat nang paraan.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: