^

PSN Opinyon

Kian, drug runner?

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas - Pilipino Star Ngayon

MAY hustisya pa bang makakamtan ang pamilya ni Kian Lloyd delos Santos ngayong ipinahayag ni PNP chief Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa na ang 17-anyos na estudyante ay drug runner. Sa pahayag ni Bato nang kapanayamin sa ere ni Jhonson Ma­nabat ng DZMM, lumalabas na runner umano ng droga si Kian ng kanyang ama at mga kamag-anak na pushers sa naturang lugar matapos inguso ng isang nagngangalang Loloy. Ayon kay Bato, hindi siya Diyos. at hindi niya kayang rendahan ang mga pulis na nagtatrabaho laban sa droga. Hehehe! Paano na lang ang CCTV footage na nakitang bitbit ng dalawang pulis si Kian bago nakita itong nakahandusay sa putikan?

Nagsisinungaling din ba ang CCTV footages? Malili­nawan natin iyan mga suki sa  darating na pagdinig ng Senado sa pangunguna ni Sen. Dick Gordon. Kasi nga kung may kati­nuan pa ang mga pulis Caloocan sa kanilang operasyon marahil malaking tulong itong pagtuga ni Kian kung sinu-sino ang nasa likod ng droga. Di ba mga suki? Ang masakit mukhang inapura ng mga pulis ang kanilang trabaho kung kaya pinatahimik na lamang ito nang tuluyan. Subalit umalma na ang mga Netizen sa nakitang CCTV footages na naging daan upang makumbinsi ang ilang senador na imbestigahan ang krimen. Mukhang hindi na rin kuntento ang ating mambabatas sa walang humpay na patayan sa giyera kontra droga ni Pres. Rodrigo Duterte. Ano sa pang-amoy nyo mga suki? Ito na kaya ang bunga ng pagkadismaya ni Duterte sa PNP matapos hindi matupad ang anim na buwan pangarap na linisin ang lahat ng sangkot sa droga?

Tapos sinundan pa nang paglusot ng bultu-bulong shabu sa Bureau of Customs. Kaya huwag kayong kukurap mga suki ngayon araw na ito sa pagdinig ng Senado hingil sa P6.4 bilyong  shabu na nadiskubre sa Valenzuela City warehouse. Ibubulalas na umano ni Sen. Panfilo Lacson kung sinu-sino ang mga opis­yales ng BOC ang may “tara” kay Customs broker Mark Taguba. Ang masakit lang habang nangangasim ang ating sikmura sa kapapanood at kapapakinig sa teleseryeng nobela sa Senado tuluy-tuloy naman ang one time big time operation ng PNP sa lahat ng sulok ng bansa. Resulta nito dose-dosenang drug offenders ang bumubulagta dahil mga nanlaban umano ang mga ito.

Nagpapataasan kaya sila ng record o accomplishment sa pag-neutralized sa mga hinihinalang tulak ng droga. Kasi kung ang Bulacan PNP ay nagtala ng 32 patay sa magdamag, sinundan agad ito ng 28 ng Manila Police District. Malinaw na nagkukumahog ang PNP na habulin at sugpuin ang droga sa bansa na pinabayaan nila noong mga nagdaang administrasyon. Hehehe! Kaya ang pagkatuklas sa P6.4 bilyong shabu sa Valenzuela ay nagbigay ng mga alingasngas na marami pang droga ang nakapuslit dahil walang kooperasyon ang mga alipores ni Faeldon. Ang paghahabol ng mga pulis at Philippine Drugs Enforcement Agency sa mga nakapuslit na droga ay tila naging hudyat ng patayan ngayon.

Marami nang nanangis na mga kamag-anakan sa walang humpay na patayan at kabilang nga riyan ang pamilya Delos Santos. Kaya naglalabasan ang mga haka-hakang “kaya pa ba ni Bato na makontrol ang mga patayang nagaganap?” Kung sabagay nabigyan na ng aksyon ang pagkamatay ni Kian matapos sibakin ni National Capital Region Police Office chief Dir. Oscar Albayalde ang hepe ng Caloocan Police City na si Sr. Supt. Chito Bersaluna. Nauna na rito sinibak na rin sa puwesto sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pareda at PO1 Jerwin Cruz kasama ang kanilang commander na si Chief Insp. Amor Cerillo. Abangan!

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with