PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

EDITORYAL - Dapat i-drug test ang mga estudyante

NAPAPANAHON ang kautusan ng Department of Education (DepEd) na isailalim sa drug testing­ ang lahat nang high school students. Grabe na ang problema sa illegal na droga ngayon, particular na ang shabu, na hindi masawata ang pagpupuslit sa bansa at karamihan sa nabibiktima ay mga kabataan­.

Sa DepEd order noong nakaraang linggo, ina­atasan ang lahat nang pampubliko at pampribadong eskuwelahan na isailalim sa drug testing ang high school students. Ang pagsasailalim sa drug testing sa mga estudyante ay upang malaman kung sino ang users at maagapan agad ito habang maaga. Magsisimula ang drug testing sa susunod na buwan.
Ayon sa DepEd, hindi magiging ground sa estud­yante para mapatalsik sakaling magpositibo sa paggamit ng droga. Hindi rin idadaan sa disciplinary­ action ang estudyante at mananatiling confidential ang resulta ng drug testing. Idiniin ng DepEd na naka-commit ang tanggapan para mapalakas ang kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.

Nararapat lamang na manguna ang DepEd sa paglaban sa illegal na droga. Mabisang paraan ang pag-drug test sa mga estudyante para malaman kung sila ay gumagamit at nang makagawa ng paraan para sila ay maisalba sa pagkalulong dito. Nara­rapat na gawing taun-taon ang drug testing para matiyak na hindi sila gumagamit ng droga.

Hindi lamang shabu ang ginagamit ngayon ng mga kabataan kundi pati na rin ang mga pinaghahalu-halong droga gaya ng ecstacy na ibinibenta umano sa mga lugar na dinadayo ng kabataan o ang mga “gimikan’’.

Mga open concert ang target ngayon ng sindikato dahil mga kabataan ang dumarayo rito. Noong nakaraang taon, isang open concert na malapit sa isang mall ang dinumog ng mga kabataan subalit malagim ang kinasapitan sapagkat may mga namatay nang masobrahan sa paggamit ng droga na inihalo umano sa juice sa kainitan ng concert.

Maganda ang layunin ng DepEd na pag-drug test sa mga estudyante at dapat itong suportahan ng mga magulang. Hindi dapat batikusin na paglabag umano sa karapatan. Kailangang maging positibo ang mga magulang sa pagkakataong ito sapagkat ang droga ay mahigpit na kalaban ngayon ng lipunan.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: