PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

‘Guam buburahin sa Mapa?’

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

TUWING NAG NU-NUCLEAR testing sila at napapalipad ng malayo ang kanilang Intercontinental Ballistic Missile (ICBM) ay pumapalakpak si Kim Jong-un na parang batang tuwang-tuwang naglalaro ng nakakamatay na laruan.

Ang mga kababayan natin na nasa Guam ay natatakot dahil nagbanta ang North Korea na magpapakawala ito ng missile sa harapan nito.

Nagbitiw ng pahayag ang North Korea na meron itong miniaturized war head missiles na maaabot ang Estados Unidos.

Marami sa ating kababayan ang naninirahan at nagtatrabaho sa Amerika. Kung sakaling mangyari nga ang bantang ito ng North Korea ay sila ang isa sa maaapektuhan.

Matapang namang sumagot dito si US President Donald Trump. Ang bantang ito North Korea ay makakakita sila ng lakas, kapangyarihan at tapang na hindi pa nila nasasaksihan.

Nagpahayag na ang North Korea na nagpaplano sila na magpa­kawala ng missile dahil naroon ang military base at teritoryo ng Amerika. Apat na nuclear missile ang nakahanda nilang pasabugin malapit sa Guam sa kalagitnaan ng buwan.

Hindi nagpatalo si Trump at sinabing handa sila sa banta ng North Korea at mas malakas na ang nuclear arsenal ng Estados Unidos.

Ang palitan ng ganitong komento ng dalawang bansa ang nakapagpadagdag sa pangamba ng mga kababayan natin at residente sa Guam.

Sa 160,000 na populasyon sa Guam ay 40,000 ang mga Pilipinong naroon. Ang ilan sa ating mga kababayan na may kamag-anak sa lugar ay nangangamba na para sa kaligtasan ng kanilang mahal sa buhay.

Gumagawa naman ng hakbang ang Governor ng Guam para masiguro ang kaligtasan ng kanyang nasasakupan.

Alam natin na pagdating sa mga ganitong usapin isa ang North Korea sa bansang malalakas sa pakikipagbakbakan kaya hindi dapat ipinagwawalang bahala ito.

Kung kakayanin nila at maaabot ay maaaring silang magpakawala ng nuclear missile.

Naghahanda na maging ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang ating embahada at mga konsulado sakaling totohanin nga ng North Korea ang pagpapasabog ng nuclear missile.

Maging ang ating bansa kailangan maging handa sa lahat ng banta. Habang umaatake sa panggugulo ang Maute Group at ang mga Abu Sayyaf ay binibigyan din ng panahon ng Department of Defense.

May posibilidad na magkamali sila dahil hindi naman talagang accurate ito. Sinabihan daw ni Presidente Rodrigo Duterte si Defense Secretary Delfin Lorenzana na baka pagnagkamali ang mga ito ay sa Luneta ito bumagsak.

Halos magkatapat lang ang Guam at bandang Silangan ng Pilipinas kaya kung lumihis o dumiretso sa target ng North Korea ay sa bansa ito magla-landing.

Marami namang nagsasabi na malabong makarating o tumama ito sa Pilipinas dahil ilang beses nila itong tinesting bago pa sila magtagumpay.

Sa bangayang ito at palakasan ng dalawang bansa ang mga residente ang mabubuhay sa takot dahil baka mamaya ay bigla na lang umatake ang isang bansa sa kabila at sila ang maperwisyo.

Kilala nating papalag si US President Trump sa anumang pagbabanta ng North Korea. May kapasidad din ang Amerika na tapatan ang lakas ng mga bomba ng North Korea.

Isaalang-alang lang din sana nila ang kanilang mga residente at naninirahan doon na sila ang magdurusa, masasaktan ang maghihirap kapag natuloy ang pagpapakawala ng North Korea ng nuclear missile.

Sa ating bansa nga kahit na puspusan nating kalabanin ang Maute Group at mga Abu Sayyaf ay marami pa ding mga inosenteng tao ang nadadamay at nabibiktima.

Marami sa ating mga kababayan at ilang mga dumadayo sa Pilipinas ang nadudukot at kapag minalas ka ay pinupugutan nila ng ulo.

Kung magpapatuloy ang sigalot sa pagitan ng Amerika at ng North Korea at kung sakaling magbatuhan ng nuclear missile ang dalawang bansa sa isa’t-isa ay kawawa naman hindi lang ang mga Pilipinong nandun sa  bansa kundi maging ang mismong mga kababayan nila.

Kung pag-aaralan lang mabuti ng Amerika o ng iba pang bansa na kaalyado ng Amerika ay maaari silang gumawa ng paraan para sa ere pa lang ay mapigilan na ang paglanding ng missile.

Ang Amerika naman ayon kay Trump ay nakahanda sa anumang kilos ng North Korea ganun din ang kanilang mga sundalo ‘locked and loaded’.

May ilan na nangamba sa naging mga sagot ni Trump dahil baka mas magpainit lamang ito sa sitwasyon. Kung titingnan mo isang paraan din ito ng Presidente ng Amerika na iparating sa North Korea na kaya silang sabayan nito at ang Amerika pa din ang dapat kilalaning pinakamakapangyarihan.

Diktador ang nagpapatakbo sa North Korea at hindi lahat ay maaaring bumisita at magpunta sa nasabing bansa.

Ang mga Pilipino ngayon sa Guam ay tinututukan kung ano nga ba ang mangyayari sa awayan ng dalawang bansa.

Kung magkaroon man ng giyera sa dalawang bansa ayon kay Trump ay lalabanan niya ito dahil naniniwala siya na Amerika pa din ang pinakamakapangyarihang bansa sa buong mundo.

Normal at dapat lang din ang ginawa ng Pilipinas na maging alerto sa anumang pagbabanta lalo na kung may posibilidad na madamay tayo. Sa dami na ng nalagas sa hanay ng ating mga kapulisan at sundalo pati na mga inosenteng sibilyan ay magiging malaking dagok sa kasalukuyang administrasyon kung mapapahamak ang Pilipinas dahil sa pagbabalewala sa banta ng North Korea.

Siga ang North Korea at siga din si Trump. Kung sa kalye nga magkaharap ang dalawang siga ay nagpapang-abot ano pa kaya kung may mga bomba pang hawak ang mga ito tulad ng Amerika at North Korea.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: