PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

EDITORYAL - Grabeng trapik dahil sa mga paghuhukay

KUNG kailan tag-ulan, saka naghuhukay at nagsasaayos ng mga kalsada sa Metro Manila. Sabay-sabay pa ang ginagawang mga paghuhukay, pag-aasapalto, road reblocking at paglalagay ng mga culvert para sa drainage. At habang may paghuhukay sa mga kalsada, marami namang sasak­yan ang nakaparada sa magkabilang gilid ng kalsada at mayroong ginawang basketbolan ang ilan. Mayroon pang ginawang carwash ang gilid ng kalsada.

Sa SONA ni President Rodrigo Duterte noong Hulyo­ 24, isa sa kanyang pinag-utos ay alisin ang mga nakakasagabal sa trapiko. Walisin lahat ang mga nakaharang. Inatasan niyang ipatupad ito ng Metro Manila Development Authority (MMDA) Ku­milos naman ang MMDA at winasak ang mga sagabal sa kalsada gaya ng mga tindahan, karinderya at iba pa. Pinaghahatak din ang mga sasakyang nakaparada sa kalsada. Pati na rin ang mga bus na may illegal terminal sa Cubao, Quezon City ay ipinasara. Ayon kay MMDA chairman Danilo Lim, araw-araw ang gagawin nilang paglilinis sa mga kalsada na nagiging dahilan nang matinding trapik.

Kung ang MMDA ay tumatalima sa utos ng Presidente, ang Department of Public Works and Highways (DPWH) naman ay tila “nagtatayngang kawali” at patuloy pa rin sa mga ginagawang paghuhukay kahit na nga sa panahon ng tag-ulan. Bakit hindi ginawa noong summer at walang pasok ang mga estudyante. Kahapon, grabeng trapik ang naranasan sa Quezon Avenue dahil sa ginawang pagbakbak sa aspalto.

Araw-araw ang trapik sa A. Bonifacio Avenue sa Quezon City dahil sa hinukay na kalsada. Dusa ang mga motorista at mga pasahero dahil sa grabeng trapik.

Mabagal namang gawin ang drainage project sa Bustillos St. (Earnshaw) sa Sampaloc, Manila na halos dalawang taon nang ginagawa. Dusa ang mga residente sa lugar dahil umaapaw sa tubig ang hukay kapag umuulan. Nagiging tirahan naman ng mga lamok ang hukay na may tubig.

Grabeng trapik ang nararanasan sa maraming lugar sa Metro at tila walang ginagawang solusyon ang mga namumuno. Maawa naman sa taumbayan na sawang-sawa na sa trapik.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: