Ang problema sa martial law
KUNG may mabuting naidudulot ang batas militar na ipinaiiral sa mahabang panahon, mas lamang ang kasamaang naidudulot nito.
Isa akong batang broadcaster nang ideklara ni Presidente Marcos noong Setyembrer 1972 ang batas militar sa Pilipinas na tumagal ng dalawang dekada mahigit. Bagamat inihayag ni Marcos kalaunan na wala nang martial law, ang epekto nito ay nanatili pa rin hanggang sa tuldukan ng EDSA People Power Revolution ang naturang rehimen noong 1986. Naging “institutionalized” ang diktadurya.
Gaano man “kabuti” ang isang leader, ang matagal na pamumuno bilang isang diktador ay nagpapasama rito. Sabi nga, “absolute power corrupts absolutelty.”
Wala kasing check and balance, at bagamat may tinatawag na Batasang Pambansa, ito ay dinidiktahan ng Pangulo. Totoong sa panlabas ay may anyo ng kaunlaran ang bansa. Mabilis na naipatutupad ang mga proyekto, pero kung tutuusin, para itong magandang gusali sa panlabas, pero yun pala’y nilalamon na ng anay ang kalooblooban, at ang nakikita sa panlabas ay magapok na istruktura lamang na guguho ano mang oras. At nangyari nga. Gumuho ang diktadura noong 1986 matapos maramdaman ng bayan ang labis na paniniil. “Tama na, sobra na, palitan na” ang nagkakaisang hiyaw ng sambayanan.
Kaya nang mapatalsik si Presidente Marcos, natuklasang nagkabaon-baon sa dambuhalang pagkakautang ang Pilipinas na hangga ngayon ay binabayaran pa ng mga mamamayang Pilipino. Maraming mga proyekto ang hindi mapakinabangan na tinatawag na “white elephants” na itinayo lamang para pagkakitaan ng dambuhalang komisyon.
Walang sistemang perpekto. Pero para sa akin, pinakamabuting pamahalaan pa rin ang mayroong check and balance para maiwasan ang paghahari ng iisang kapangyarihan lamang na malamang magsamantala sa bansa.
- Latest