Ayusin na lang ang mga gusot
MABUTI naman at hindi na muna matutuloy ang utos ng LTFRB na hulihin ang mga kolorum na Uber at Grab simula Hulyo 26. Pinahuhuli na sana ng ahensiya ang higit 50,000 sasakyan na wala pang opisyal na prankisa. Namultahan nga ang dalawang kumpanya ng tig-P5 milyon dahil sa kanilang paglabag sa patakaran ng LTFRB. Pansamantalang papayagan na muna ang lahat ng mga sasakyan ng dalawang kumpanya, pero hindi ibig sabihin ay isasantabi na ang mga patakaran. Mag-uusap pa rin sila at ang LTFRB para ayusin ang anumang mga isyu sa pagkuha ng prangkisa. Ayusin na lang sana ang mga gusot.
Sa ngayon, minamadali ng LTFRB ang pag-proseso ng 11,000 prankisa. Sinisisi pa rin ng LTFRB ang dalawang kumpanya, dahil sa patuloy na pagtanggap nila ng mga aplikante kahit sinuspindi na ng LTFRB noong isang taon. Kaya lumalabas na kolorum ang mga ito. Pero kailangan din tingnan ng LTFRB ang kanilang proseso para sa mga prankisa. Tulad niyan, kung minamadali na ngayon, ibig sabihin may kabagalan din ang pagproseso ng prankisa.
Walang argumento na marami na ang mas gustong gumamit ng mga transport network companies (TNC), dahil nga mas maayos ang serbisyo. Maaaring mas mahal, pero kung kakayanin naman ng sumasakay ay sila pa rin ang pipiliin. Hangga’t walang solusyon sa mas maayos na pampublikong transportasyon, mananatiling popular ang mga TNC. Kaya naman maraming nagbigay ng masamang reaksiyon sa plano ng LTFRB na hulihin na ang mga Grab at Uber na sasakyan. Kung maayos nga naman daw ang serbisyo, bakit sila pa ang pinag-iinitan?
Wala namang argumento na kailangan idaan ang lahat sa tamang proseso. Pero hindi rin pwedeng pagbintangan nang lubos ang mga TNC. Baka may pagkukulang rin ang LTFRB, partikular sa pagproseso ng prankisa. Kung minamadali na ngayon, bakit hindi pa noong isang taon, kung kinakailangan naman ng siyudad ng alternatibong pampublikong transportasyon?
- Latest