Pamana
KATATAPOS ko lang bunuin ang isa sa pinaka-matinding hamon sa aking kalusugan. Salamat at naging matagumpay ang aking karanasan. Subalit mas malaking tagumpay pala ang naghintay sa dulo ng aking dinaanan.
Akmang pabalik na ako sana sa nakasanayan – isang schedule na patayan na labag sa kagustuhan ng mga doktor -- nang makausap ko ang isang matalik na kaibigan. Isa itong uliran, sa personal at sa propesyonal na pamantayan. Kung gaano kabigat ang trabahong aking nakaugalian, ang sa kanya ay labis sa sampung beses pa ang bigat kung tuturingan.
Paalala niya ay hinay hinay lang. May tamang panahon para sa lahat. Tulad daw niyang inabot ang tuktok ng propesyon, huli na nang maalala niya ang lahat ng nasayang na pagkakataon. Magmenor sana paminsan-minsan nang mapakinabangan ang bunga ng pinaghirapan.
Nang marinig ang aral mula sa bibig ng aking hinahangaan, agad akong tinamaan. Bakit nga ba bibilisan – bakit hindi sulitin ang pahinga at ang kalusugan ay pagbigyan. Kay tagal nang winaldas ang kalusugan para makahanap ng kayamanan. Huwag hintayin pang sa huli malaman na ang mismong kalusugan ang tunay na kayamanan.
Sa aking pagpasalamat sa kanyang mahalagang aral, ang sagot ay huwag daw siyang pasalamatan. Ibinabahagi lang niya ang pabaon ng kanyang yumaong kaibigan. Halos isang taon nang nakalipas mula nang siya’y nasabihan, ng isang tao na sa kanya ay uliran din at hinahangaan.
Nalaman ko na ang nagpamana ng aming pinag-usapan ay isang tao na bago yumao ay naranasan din ang pagsubok na aking dinaanan. Hindi niya ito nalampasan. Siya ang nag-iwan ng tanda sa lahat na makamit man ang parangal at kayamanan, aanhin ito kapag ang kalusuga’y nawalan. Nabigla ako nang ang katauhan niya ay ipaalam dahil ito ay kapareho rin ng aking pangalan.
Ang orihinal na pinanggalingan ng mensaheng pinahiram ay walang iba kung hindi ang aking ama. Para bang ako’y pinaringgan mula sa kanyang kasalukuyang kinalalagyan: magpahinga muna anak at ang lahat ay may panahong kaukulan.
- Latest