PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Bangayan

WALA na yatang katapusan ang bangayan ng pamilyang Estrada at Zamora sa San Juan City. Matapos magpalitan ng maanghang na akusasyon ukol sa P38 milyon na gusali na matatawag na “white elephant” heto’t nagsampa naman ng recall elections ang mga supporter ni dating­ Vice Mayor Francis Zamora laban kay incumbent Mayor Guia Gomez. Matatandaan na tinalo ni Gomez si Francis noong nakaraang elections sa 221 boto lang at napakasakit nito para sa kampo ng huli. Kaya hindi nag-aksaya ang kampo ni Zamora na isulong ang recall elections at kakalap sila ng aabot sa 30,000 na pirma para isulong ng Commission on Elections (Comelec) ang reklamo nila. Ang recall elections ay pirmado nina Sophia Patricia Gil, Raul Sevilla, Raymond Alzona at Jun Paul Aquino at inakusahan nila si Gomez na sangkot sa graft, incompetence, abuse of power at dereliction of duty.

Para umusad ang recall elections, kailangan ang pirma ng 20 porsiyento ng 75,255 na botante ng San Juan o kabuuang 15,051 na pirma. Di imposible na mabuo ng mga Zamora ang numero dahil madami silang supporters sa San Juan, di ba mga suki? Hehehe! Ano kaya ang masasabi ni Manila Mayor Erap Estrada sa nangyayaring ito sa San Juan na pinamumunuan ng kanyang partner? Di ba nagkampanya rin si Erap para manalo si Gomez? Sa punto naman ni Sen. JV Ejercito walang basehan para magsagawa ng recall elections sa San Juan dahil wala namang demand ang mga residente ukol dito. Ani Ejercito, umunlad ang San Juan sa panunungkulan ng kanyang ina at ginawa niyang basehan ang magkasunod na para­ngal na inabot dito tulad ng Seal of Good Local Go­vernance ng DILG, at Excellent rating galing naman sa Civil Service Commission patungkol sa Anti-Red Tape Act (ARTA) report card.

Sinabi pa ni Ejercito na maraming proyekto ang kasalukuyang sinusulong ng San Juan tulad ng paggawa ng gusali ng Hall of Justice, new San Juan Medical Center at Rehab center para sa mga nalulong sa droga. “Ang ganda ng pagpatakbo ng San Juan. It is rapidly developing and services are bound to further improve, them comes this recall petition from a political foe who cannot accept defeat,” ani Ejercito. Kaya naman si Ejercito ang dumidepensa sa kanyang nanay ay dahil nasa abroad pa ito. Pag nagkataon, si Gomez lang ang tatamaan ng recall elections sa Metro Manila matapos manalo ng nakaraang election. May naka-pending pang electoral protest laban kay Gomez na si Zamora din ang nag-file sa Comelec. Baka naman maapektuhan ang mga proyekto para sa mga residente ng San Juan sa sigalot na ito na dulot ng recall elections? Abangan!

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: