PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Kailangang makinabang lahat

NATAPOS na ang “One Belt, One Road” Summit sa Beijing, China, kung saan naghanda ng napakalaking halagang pera para sa mga proyektong imprastraktura na pwedeng gawin sa buong  mundo. Bukas ang paghiram ng perang ito sa lahat ng bansa. Nasa 28 pinuno ng bansa ang dumalo, kasama si Pres. Rodrigo Duterte. Ang iba naman ay nagpadala ng kani-kanilang kinatawan. Ito umano ang pagkilos ng China, dahil tila nawala na ang US bilang “global trader”. Ngayong tapos na, may mga opinyon nang naglalabasan.

Kapansin-pansin na ang mga dumalong pinuno ay galing sa mga bansa na malapit sa China, o malaki na ang ugnayang ekonomiya sa China, kabilang ang Pilipinas, siyempre. Walang dumalong pinuno mula sa European Union, US, UK, Japan, Australia, Middle East at iba pang mga bansang “kanluran”, ika nga. Walang pinadalang kinatawan ang India. May isyu umano ang India sa ugna­yan ng China at Pakistan, kaya hindi dumalo.

Hindi pa masasabi kung matagumpay ang nasabing summit. Magkakaroon muli ng pagtitipon sa 2019, siguro para tasahan ang progreso ng mga proyekto. Sigurado mga kilalang kaalyado ng China ay pakikinabangan ang perang ito na ipahihiram. Pero dito na naglalabas ng mga babala ang ilang eksperto. Pag-aralan daw nang husto ang mga kundisyon ng paghiram ng pera, dahil na rin sa kasaysayan ng China kapag nagpapahiram ng pera sa mga maliliit na bansa. Kailangan makinabang ang umuutang, at hindi lang ang nagpapautang. Nabanggit ko nga na hindi ito ginagawa ng China dahil nagmamagandang-loob. Ginagawa rin nila ito para kumita, at para maging makapangyarihang bansa sa mundo.

Hindi rin puwedeng hindi mabanggit ang mga isyu sa South China Sea. Kailangan mapag-usapan din ito nang maayos, bago magkaroon ng paghiram ng pera sa China. Baka naman ito ang kapalit ng lahat ng tulong o pautang. Hindi dapat kasama sa bilangan, ika nga, ang mga isyu sa South China Sea, kung saan inaangkin na lahat ng China.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: